EDITORYAL - Unahin ng PACC ang Bureau of Customs
(Pilipino Star Ngayon) - August 20, 2019 - 12:00am

MASIGASIG ang Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) na maisailalim sa lifestyle check ang mga opisyal ng pamahalaan bilang pagsunod sa direktiba ni President Duterte na malipol ang mga corrupt. Ayon sa PACC, seryoso sila sa kampanya laban sa korapsiyon. Hindi umano sila titigil hangga’t may mga corrupt sa pamahalaan. Patuloy umano silang mag-iimbestiga at kakasuhan ang mga mapapatunayang corrupt.

Noong nakaraang linggo, sinabi ng PACC na dalawang Cabinet members ang isinasailalim nila sa lifestyle check ng dahil sa isyu ng corruption. Ganunman, hindi pinangalanan ang dalawang Cabinet members.

Maganda ang layunin ng PACC at sana magka­roon nang magandang bunga ang kanilang masinsinang kampanya laban sa mga corrupt sa pamahalaan. Ang ginagawa nilang lifestyle check sa mismong Cabinet members ay malinaw na wala silang kinatatakutan at handang ipatupad ang kautusan ng Presidente.

Sa simula pa lang ng panunungkulan ni Duterte, nagbabala na siya na mayroon lang siyang malang­hap na corruption sa isang tanggapan, sisibakin agad niya sa puwesto. Hindi siya mangingiming alisin agad ang mga sangkot sa katiwalian.

Matutuwa naman ang mamamayan kung ipupursigi ng PACC ang pag-lifestyle check sa mga opisyal ng Bureau of Customs na sinasabing pinaka-corrupt na ahensiya ng pamahalaan. Maraming “buwaya” sa Customs at ito ang nararapat na unahin ng PACC. Halungkatin ang yaman ng mga opis­yal at empleyado rito. Kamakailan, 60 BOC officials ang sinibak ni Duterte at meron pa raw susunod.

Pagkatapos ng Customs, isunod naman ang Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO). Kamakailan, ipinatigil ng Presidente ang operasyon ng PCSO dahil sa malawakang korapsiyon. Nahinto ang lotto draw at ganundin ang iba pang game na ino-operate ng PCSO. Makalipas ang apat na araw, ibinalik din ang lotto. Kailangang malaman ng taumbayan ang mga corrupt sa PCSO.

Maraming masisiyahan kung maibubulgar ng PACC ang mga corrupt sa pamahalaan. Ang mga corrupt na ito ang dahilan kaya naghihirap ang bansa. Kapag nagawa ng PACC ang paghalukay sa mga corrupt, hindi sila malilimutan ng taumbayan.

PRESIDENTIAL ANTI-CORRUPTION COMMISSION
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with