Mga bagong problema
K KA LANG? - Korina Sanchez (Pilipino Star Ngayon) - August 20, 2019 - 12:00am

BINANGGIT na ng mga pahayagan ang nasyonalidad ng mga turistang nagparumi ng bata sa dalampasigan ng Boracay. Hindi ako nagtaka nang banggitin na taga-China ang mga turistang tinutukoy. Sa totoo lang, may hinala na ako kaagad nang mabalitaan ang insidente.

Matagal na akong nakakarinig ng mga kakaiba at maruruming kaugalian ng mga taga-mainland China. Kahit mga taga- Hong Kong ay alam ito at may mga hindi kanais-nais na insidente rin silang naranasan. Naglabas ng pahayag ang Palasyo na lahat ng turista ay dapat sumunod sa mga batas at alituntunin ng Boracay. Sa totoo lang, hindi na dapat sinasabi at sentido komon na iyan.

Isa lang ito sa mga bagong problemang hinaharap na ng bansa lalo na’t inilapit ng administrasyon sa China. Tila nagiging unti-unting problema na rin ang mga Philippine offshore gaming operators (POGO). Bawal ang mga casino at lahat ng uri ng sugal sa China kaya dito na nagtayo ng mga (POGO) kung saan makakasugal online ang sinuman sa China. At dahil kailangang mahusay magsalita ng Mandarin, mga taga-mainland China ang nasa bansa. Ang estimasyon ay nasa 257,000 na taga-mainland ang nasa bansa, halos katumbas na ng kabuuan ng AFP. At isa pang batayan ng pag-aalala iyan.

Ayon kay Defense Sec. Delfin Lorenzana, hindi siya kumportable na ang kinalalagyan ng mga POGO ay malapit sa mga kampong militar ng bansa. May mapa kung saan makikita nga na napakalapit ng mga POGO sa mga kampo.

Sa ngayon ay wala sigurong kailangang pangambahan pero hindi malayong mangyari na balang araw ay may mga espiya na sa mga POGO. Ngayon pa lang ay may nagaganap nang krimen kung saan mga taga-mainland ang binibiktima ng mga taga-mainland din. Tapos may magsasabi na mananagot ang ating mga mamamayan sa China kung masasaktan ang mga taga-China rito.

At hindi pa rin nawawala ang mga isyu sa karagatan. Kailan lang, umalma ang militar natin sa paglayag ng mga barkong pandigma ng China sa Sibutu Strait na malinaw ay nasa loob na ng teritoryo ng Pilipinas nang walang pahintulot. Hindi lang isang beses naganap.

Alam ng militar na ayaw ipaalam ng mga barkong pandigma ang lokasyon dahil pinatay ang automatic information system nila. Hindi na gawain ng kabigan iyan, ayon sa Palasyo. Dapat siguro itanong nila sa Beijing mismo at malakas naman sila diyan ngayon. O bubuhusan na naman ang gobyerno ng bilyon-bilyong pangako ng pamumuhuan para sa mga proyektong imprastraktura ng bansa, para okay na naman lahat? Kaya ba ang paniniwala ng China ay puwede nang gawin ang lahat sa Pilipinas? Hindi ba talaga maintindihan ang salitang respeto?

BORACAY
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with