Ano’ng tingin ng ibang bansa sa mga Pilipino?
SAPOL - Jarius Bondoc (Pilipino Star Ngayon) - August 19, 2019 - 12:00am

HINDI ko malilimutan ang sinabi ng isang American diplomat tungkol sa mga Pilipino. Marami raw siyang kilalang Pinoy sa California -- at lahat sila ay may piano sa bahay. Mahilig sa musika ang lahi niyo, aniya sa akin. At totoo nga. Maraming mahuhusay na mang-aawit sa ibang bansa, pero Pinoy lang ang baliw na baliw sa karaoke. Imbento nga sa Japan ang termino at repinado doon ang makina, pero sa Pilipinas nagmula ang umpukan sa paligid ng mikropono sa bahay o restoran para magkantahan. Di nagtagal pinagkakitaan pa ang ugali. Nauso sa mga baryo ang videoke na hinuhulugan ng 50¢ kada kanta, parang jukebox. Hanga ang mga taga-ibang bansa sa hilig ng Pinoy kumanta.

Sa simbahan sa ibang bansa, kapag may umawit na choir, asahan mo mga Pilipino. Sabi ‘yan sa maramng artikulo sa Europe at America. Debotong mga Kristiyano daw ang mga Pinoy, kaya masipag mag-praktis sa choir bago ang Misa. Pinoy din daw ang maaasahang mag-decorate ng simbahan para sa Pasko at mga piyesta ng Birhen Maria.

Sa abroad, natural magkulumpong sa iisang purok ang mga Asyano. Kaya may China town, Korea town, Japan town. Ang mga magkaka-probinsiyang Chinese ay nagtutulungan sa negosyo sa ibang bansa. Ang Pilipino, hindi pumipili ng ka-rehiyon bago tumulong. Basta nalamang Pilipino, at kaya namang alalayan, agad gagawin ng kabayan.

Itini-tip kung ano ang mahal o peligroso na dapat iwasan, at kung saan mura at matatagpuan ang iba pang kapwa-Pinoy. Malaking tulong daw ito sa isa’t isa ng milyon-milyong overseas Filipino workers, magkahiwalay na ulat ng Saudi, Singaporean at Canadian journalists.

May dalawang katangian daw ang Pinoy na napapansin ng mga kabayan sa abroad. Kapag sumutsot ka, “Pssst!”, Pinoy lang ang lilingon sa iyo. At kapag humingi ka ng direksiyon, nguso ang ipangtuturo niya.

* * *

Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).

AMERICAN DIPLOMAT
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with