Hindi lang Baseco ang dapat pagtuunan ni Isko
BANAT NI BATUIGAS - Bening Batuigas (Pilipino Star Ngayon) - August 13, 2019 - 12:00am

NOONG Linggo, tumalima ang Manila Police District sa utos ni Manila mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso na linisin ang Baseco Compound sa drug pushers, users at mga kriminal. Tinaningan ni Isko ang MPD ng pitong araw para linisin ang Baseco. Kapag pumalpak, hindi siya manghihinayang na alisin sa puwesto ang mga pulis. May 2,000 pulis mula sa Station 1 at 11, MPD headquarter’s at Criminal Investigation and Detection Group-Manila ang sumalakay sa Baseco. Lahat ng bahay ay pinasok at pinalabas ang mga kalalakihan at kababaihan na pinaghihinalaang sangkot sa droga. Sa Aplaya, nanlaban ang tatlong kalalakihan kaya napatay ng mga pulis.

Naipakita ng MPD na may pangil sila para labanan ang mga criminal, drug pushers at users at dahil din sa suporta ng matapang na mayor ng Maynila na si Isko. Maraming natuwa sa ginawa ng MPD dahil sa totoo lang, nahihintakutan na ang mga residente sa Baseco dahil doon namumugad ang mga criminal at drug pushers­. Ngayong naumpisahan na ito ng MPD, dapat ituluy-tuloy ang operasyon dahil siguradong magbabalikan ang mga criminal na nakahulagpos sa pagsalakay. Ang transaksyon ng droga sa lugar ay sa madaling araw dahil tulog ang mga pulis at barangay tanod. Natatakot silang magpatrulya dahil makikitid at madilim ang mga eskinita. Nang salakayin ang lugar, katiting lang ang nakuhang shabu dahil ang taryahan at gamitan ay sa gabi. Ibig sabihin, naisahan ang MPD sapagkat nakatakas na ang mga criminal at drug pushers bago pa sumalakay ang mga pulis.

Hindi lamang Baseco ang dapat pagtuunan ng pansin ni Isko kundi pati na rin ang mga lugar ng Vitas, Parola, Isla Puting Bato, Tamburong at Port Area. Isama na rin ang Tambunting sa Sta Cruz na talamak din ang bentahan ng droga. Sa tingin ko, maraming naapektuhan sa paglilinis ni Isko sa vendors sa Divisoria kaya ang ilan sa mga ito ay luminya na sa pagbebenta ng droga at pagnanakaw. Sa ngayon iniinda ng mga taga-iskuwater ang kahirapan dahil nawalan sila ng kabuhayan matapos linisin ang mga bangketa na pinagtitindahan nila. Hindi sila tutol sa paglilinis ni Isko subalit kailangan nilang kumita para sa kanilang araw-araw na ikinabubuhay. Dapat paigtingin ang Simultaneous Anti-Criminality Operation (SACLEO) sa iba’t ibang lugar sa lungsod upang tuluyan nang matuldukan ang illegal na droga na pangunahing problema sa Maynila. Iyan ang aabangan ko mga suki!

FRANCISCO “ISKO MORENO” DOMAGOSO
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with