Problema sa basura
BANAT NI BATUIGAS - Bening Batuigas (Pilipino Star Ngayon) - August 10, 2019 - 12:00am

TUWING tag-ulan, o kung may bagyo o habagat, ang pangunahing problema sa Metro Manila ay baha. Dahilan nito ay basura na nakabara sa mga imburnal at maging sa mga ilog. Kitang-kita ito sa kahabaan ng Manila Bay partikular na riyan sa baywalk. Pruweba ito ng kapabayaan ng ating mga kababayan. Tama ang kasa­­bihan na kung ano ang itinapon, babalik din sa’yo. Ang masaklap nito sobra-sobra pa ang ibinabalik na perwisyo dahil pagbumaha ay paralisado na ang mga kalye at pagkaanod ng ilang kabahayan na malapit sa mga ilog. Sa oras ng baha tiyak na hindi makakapasok sa mga trabaho at maging ang mga estudyante ay mawawalan ng pasok. Kaya bukod sa pagkagutom, nagiging mahina sa kaalaman ang ating mga anak dahil kulang sa oras ang kanilang pag-aaral.

Sa puntong ito, maraming local government unit at non-government organization ang nagsasaliksik para masolusyunan ang problema sa basura. Katulad ng Villar Sipag Foundation na nire-recycle ang mga plastik ng iba’t ibang produkto upang mapakinabangan. Halimbawa­ itong napabantog na paggawa ng mga upuang plastik na malaking bagay upang magamit ng mga estudyante na mapunan ang pagkukulang ng DepEd. Ang iba pang basura ay ginagawang pataba sa mga halaman at ang mga waterlily ay ginagawang material para sa livelihood ng mga taga-Las Piñas City. Sa Parañaque City, ginagawang plastic blocks na pamalit sa mga nasisirang hollow blocks sa mga center island. Malaking bagay ito na mabawasan ang pagkalat ng mga plastik sa kapaligiran.

Samantala, ang Department of Environment and Na­tural Resources (DENR) ay sinimulan na ang “refill revo­lution” katuwang ang NutriAsia sa maraming barangay sa Central Luzon. Isang refilling station ang itinayo ng DENR kasama ang NutriAsia Inc. sa isang barangay sa Bulacan noong Hulyo 18.  Bahagi ito ng refill revolution na kampanya DENR na naglalayong mabawasan ang pagkonsumo ng plastik sa rehiyon. Nabigyan ng pagkakataon ang mga residente ng Bgy. Caingin, Bocaue na makabili ng mga produkto ng NutriAsia, gaya ng Datu Puti suka at toyo, sa murang halaga sa pamamagitan ng pagdala ng sarili nilang containers.

Nilalayon ng refill revolution na itaguyod ang pangangalaga sa kapaligiran sa pamamagitan ng paghikayat sa mga sambahayan na mag-recycle o muling paggamit ng kanilang malilinis na plastik containers sa halip na itapon ito. Inilunsad ang programang ito kasabay ng Earth Day celebration ng Guiguinto, Bulacan noong Marso 2018 sa pangunguna ng Environmental Management Bureau (EMB) Region 3 ng DENR. 

Ayon kay EMB Central Luzon Director Lormelyn Claudio, ang programang ito ay praktikal na solusyon laban sa polusyon sa plastik. Nakatutulong ito sa pagbawas sa produksiyon at paggamit ng plastik at maiiwasan ang polusyon sa hangin at tubig. “Decreasing the amount of waste created by disposable packaging will be a very difficult task, but with the implementation of these different refill processes across Central Luzon, later on replicated in other regions, it may still be possible. People ask me how we intend to sustain this initiative, and I always answer: It will need partners, both from the private and the public sectors, and, of course, it will need the cooperation of the citizenry. It’s high time that we adopt the discipline of reusing and recycling plastics. Let us all commit to be good caretakers of the environment,” sabi ni Claudio.

HABAGAT TYPHOON
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with