Natupad ang utos ni Digong
BANAT NI BATUIGAS - Bening Batuigas (Pilipino Star Ngayon) - August 6, 2019 - 12:00am

MAKAMANDAG ang laway ni Pres. Rodrigo Duterte. Ilang araw lang ang nakalipas nang sabihin niya na bawiin ang mga kalye at bangketa, lahat ng mga mayor at barangay chairman ay kumilos. Ang resulta: luminis ang kalsada at naging maayos ang trapiko ganundin ang mga bangketa kaya nakapaglalakad na ang mga tao na walang sagabal. Ang naghihinagpis ngayon ay ang mga sindikato sa vendors dahil naputol na ang kanilang pinagkakaperahan. Maging ang barangay ay nawalan din ng kita dahil pinagbawalan silang maningil ng parking fees sa kalye.

Naging malinis at maayos na ang mga kalsadang namamaho at matrapik kaya mabilis na ang kalakalan. Kaya sa mga darating na araw ay makakakolekta na ng tamang buwis sa mga legal na negosyante. Katulad ng kaayusan ngayon sa Parañaque kung saan nabuwag ang pamamayagpag ng sindikato sa Baclaran. Matagal nang panahon ang pag-okupa ng vendors sa Redemptorist, Roxas Boulevard Service Road at Quirino Avenue at ngayon lang sa panahon ni Duterte nabuwag. Walang kahirap-hirap si Parañaque Mayor Edwin Olivarez sa pagpapalayas sa vendors. Lahat ay nagtulung-tulong sa paggiba sa illegal structures ng vendors sa takot na masuspende.

Sinubukan kong magdaan sa Quirino Avenue patungo sa Las Piñas at 30 minuto na lamang ang biyahe hindi tulad noon na inaabot ng mahigit isang oras. Kaya mapapabilis lalo ang pag-angat ng Parañaque dahil mapapabilis na rin ang construction ng mga condominium. Sa panahon ngayon na halos karamihan sa mga umuokupa sa mga condo riyan sa Parañaque ay mga Chinese, tiyak tataas ang real estate tax at business Permit. Maging sa reclamation area na nasasakupan ng Tambo ay siguradong yayabong ang negosyo dahil target ito ng investors na pagtayuan ng casino. 

* * *

Magandang balita para sa Camp Claudio Elementary School (CCES). Ayon kay CCES Principal Evangeline Malicdem, mananatili na ang eskuwelahan sa loob ng Camp Claudio Naval Housing dahil pumayag na ang developer at Philippine Navy. Nagtapos kasi ako sa CCES kaya malapit ito sa puso ko. Noong dekada ’70, halos 3,500 estudyante ang pumapasok dito subalit ngayon, napag-alaman ko na umaabot na lamang sa mahigit 500 ang mga estudyante rito.

Sa pagpapanatili ng CCES, tiyak na darami na ang mga mag-aaral dito. Marami naman ang humihiling na bigyang-pansin ni Mayor Olivarez ang pagbaha sa nasabing lugar. Pasasalamat naman ang ipinaaabot sa mga guro na sina: Mercidita Faustino, Mrs Francisco, Mrs. Elenita Reodique, Mrs. Cely Toring, Mrs. Leoncia Esgiua, Mrs. Amelia Tabacug, Mr. Dalmacio Cueto, Mrs. Evangeline Golen, Mrs. Lilia Esguerra, Mrs. Adelaida Arcena, Mrs. Estela Garcia, Mrs. Ofelia Celeridad, Mrs. Imelda Alibang, Ednalyn Lagoc, Venus Manlangit, Emerita Diaz, Mrs. Concepcion Gabayno, Mrs. Lelita Abrillo at siyempre kay Mayor Olivarez, sa Philippine Navy Command at CCES Principal Malicdem.

RODRIGO DUTERTE TRAFFIC VENDORS
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with