Malas na mister (Unang bahagi)
IKAW AT ANG BATAS - Atty. Jose C. Sison (Pilipino Star Ngayon) - August 4, 2019 - 12:00am

SA ating batas, maituturing na may dalawang kategorya ang krimen laban sa tao, ang pagsira ng buhay at ang pananakit. Dalawang krimen na may kinalaman sa pagkitil ng buhay ay ang murder at ang homicide. Ito ay itinutu-ring na murder kung pinagplanuhan ang pagpatay at may sangkot na kalupitan, pagtataksil o patraydor na paraan at kung sa liblib na lugar pa ginawa. Ang kasong ito ang magpapaliwanag sa mga sirkumstansiyang binanggit.

Ang kasong ito ay tungkol sa mag-asawang Mario at Helen. Nakatira sila sa isang liblib na barrio sa bulubunduking bahagi bandang kanluran. Isang umaga, umakyat ang mag-asawa sa burol sa kalapit na barrio para mag­hukay ng mga ugat ng halaman na gagamiting gamot ni Helen sa sumasakit niyang ngipin. Nasa may pampang si Mario, nakayuko at naghuhukay nang biglang sumulpot si Gary na isang taga-barrio.

Bigla na lang lumapit ang lalaki at mula sa likod ay inundayan ng saksak sa leeg si Mario.  Nakaramdam si Mario ng matinding sakit at lumingon kay Gary para itanong kung ano ang gagawin nito. Pati si Helen ay nagtanong kung ano ang ginagawa ni Gary kay Mario pero tuloy lang ng unday ng saksak ang lalaki sa walang armas na si Mario. Tinakot pa nito si Helen na isusunod na papatayin kapag nagsumbong. Napatakbo si Helen pauwi at nagkulong sa bahay. Hindi siya nagsalita hanggang kinabukasan nang ipahanap niya sa kanyang tatay at sa isang kapitbahay si Mario sa may burol.

Nang sumunod na araw ay natagpuan nga sa burol ang bangkay ni Mario. Ipinaalam ito sa mga pulis at nang gabing iyon ay dumating ang hepe, ang huwes at ang doctor na si Dr. Rivas na pinuno ng sanitary division ng munisipyo. Sinuri ni Dr. Rivas ang bangkay ni Mario at nakita ang limang malalim na sugat na dahilan ng pagkamatay nito pati tatlong iba pa sa iba’t ibang parte ng katawan nito na gawa ng matulis na bagay.

Kusang gumawa ng salaysay si Gary sa harap ng huwes na nagsasagawa ng paunang imbestigasyon sa harap ng mayor at hepe ng pulis. Inamin niya ang pagpatay kay Mario kasi raw ay inudyukan siya ni Helen na lihim niyang kalaguyo. Inamin din niya na kanya ang itak na ginamit sa pagpatay at kinilala niya ang damit na suot ni Mario nang patayin ang pobreng lalaki. 

Pero nang kasuhan sa korte para sa murder ay itinanggi ni Gary ang ginawa. Kaya’t sa paglilitis ay ginawang testigo sa RTC ang huwes na kumilala sa ginawang salaysay ni Gary, si Dr. Rivas na sumuri sa bangkay at kinumpirma ang ginawa niya na autopsy report.

Tumestigo rin ang dalawa kung paano nila nakita ang bangkay ni Mario na nasa isang hukay sa may burol na may isang metro lang ang lalim at medyo nakakiling pa sa kaliwa ang ulo samantalang ang kaliwang kamay ay nasa ilalim ng ulo at ang kanan naman ay nakapatong sa dibdib. Kinilala rin nila ang suot ni Mario na damit at pantalon kahit pa nag-uumpisa nang maagnas ang bangkay.  (Itutuloy)

CRIME HOMICIDE
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with