Alisin lahat ang mga sagabal sa kalsada!
BANAT NI BATUIGAS - Bening Batuigas (Pilipino Star Ngayon) - July 27, 2019 - 12:00am

MABILIS kumilos si Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso sa paglilinis ng mga kalye kaya naging popular siya sa mga mayor at mga opisyales ng Duterte administration. Kaya naman sa nakaraang SONA ni Pres. Rodrigo Duterte, ang paglilinis sa mga kalsada ang kanyang iniutos sa Department of Interior and Local Go­vernment (DILG). Sabi ng Presidente, bawiin ang lansangan sa mga sagabal para walang trapik. Kaya kumilos si DILG Sec. Eduardo Año at inatasan ang lahat ng mayor sa Metro Manila na alisin ang mga obstruction sa kalsada sa loob ng 60 araw. Banta ni Año, ang hindi makatupad ay sususpendihin o matatanggal sa puwesto.

Ipinatawag ni Año ang mga mayor noong Huwebes at pinag-usapan ang hakbang upang maisakatuparan ang kautusan ni President Duterte. May mga mayor na nais agad itong maisakatuparan subalit maraming sagabal sa pagpapatupad nito. Isa na rito ang isyu ng kabuhayan ng kanilang mga constituent. Marami ang mawawalan ng hanapbuhay. Pero sa ginawa ni Isko na napalayas ang mga vendor sa Divisoria, Carriedo at Recto, ito ang dapat gawing halimbawa.

Kaya napapanahon na para gamitan ng kamay na bakal ang pagpapalayas sa mga sindikatong umuokupa sa mga bangketa at kalye. Kadalasan kasi ginagawang pala­bigasan ito ng mga pulis, barangay officials at city offi­cials. Sa bulsa pumapasok ang mga koleksiyon ng sindikato kaya nababankarote ang kaban. Kaya sa kautusan ni Duterte tiyak na marami ang magugutom na kolektor sa PNP, barangay at city hall officials sa mga susunod na araw.

Kung maisasakatuparan ang kautusan ni Duterte tiyak na dadami ang income ng mga siyudad dahil papasok lahat­ sa kaban ng bayan ang mga buwis na makokolekta sa mga puwesto o establisimento. Malaking bagay ang paglilinis sa mga lansangan dahil bibilis na ang daloy ng mga sasakyan. Kaya goodbye sa lahat ng sindikato!

* * *

Bumagsak sa kamay ng National Bureau of Investigation ang 2 empleyado ng Bureau of Internal Revenue (BIR) sa isinagawang entrapment operation na isinagawa ng NBI Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) sa Quezon City. Kinilala ni NBI director Dante A. Gierran ang mga inaresto na sina Alfredo Pagdilao at Agripina Vallestero habang ang mga kasamahan nito na sina Rufo Ranario at Michelle dela Torre ay nakatakas at hinahanap na ngayon.

Ayon kay Gierran, nag-ugat ang pag-aresto kina Pagdilao at Vallestero matapos lumapit ang isang negosyante na kinukotongan ng mga ito. Agad na ikinasa ang entrapment at nagkasundo ito na magkita sa isang hotel as Pasig City subalit nag-iba ng dereksyon ang usapan hanggang sa magkasundo ito na magkita sa Quezon City. Doon na nagkaabutan ng dalawang bag na naglalaman ng P100 milyon na boodle money. Nang abutin ito ng mga suspek agad dinamba ng NBI-PACC.

Kahihiyan na naman sa BIR ang ipinamalas ng mga mokong. Sa ngayon tiyak na mawawala na sila sa listahan ng mga kagulang-gulang este kagalang-galang na empleyado ng BIR dahil bukod sa malulusaw ang lahat ng kanilang pinaghirapan sa serbisyo, tiyak na luluwa sila ng datung sa pagharap sa asuntong ipinataw sa kanila. Magsilbing babala ito sa lahat mga kawani ng pamahalaan. Hindi na uubra ang katiwalian n’yo.

Sa mga taga-BIR na gustong guminhawa ang buhay sa pamamagitan ng pangongotong, magbago na para di-matulad sa mga opisyales at empleyado ng Customs na sinibak ni Digong. Teka, nasaan na kaya ang iba pang empleyado ng Customs na di sumipot sa Malacañang? Abangan!

DEPARTMENT OF INTERIOR AND LOCAL GO­VERNMENT FRANCISCO “ISKO MORENO” DOMAGOSO
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with