Endo, inaasahan ng mga Obrero
AKSYON NGAYON - Al G. Pedroche (Pilipino Star Ngayon) - July 22, 2019 - 12:00am

HUWAG naman sanang magwakas ang termino ni Presidente Duterte na hindi matupad ang kanyang campaign pro­mise na wakasan ang kontraktwalisasyon o ENDO. Sapul nang magkaroon ng batas na tapusin ang kontrata ng mga manggagawa bago mag-anim na buwan sa ser­bisyo, nawalan na ng tsansa ang mga workers na maging­ regular sa trabaho. Kaya umaasa ang labor sector na sasambitin ito ng Pangulo sa kanyang State of the Nation Ad­dress (SONA) ngayon. Sana, sana nga.

Harinawang ang ipinakikitang political will ng Pangulo sa marami sa kanyang mga desisyon ay ipamalas niyang muli para sa kapakanan ng ating working class. Ang contractualizaton kasi ay nabuo noong araw upang masiyahan ang mga dayuhang investors at mahikayat silang mamuhunan sa Pilipinas. Ang problema naman, ang kinakawawa sa batas na ito sa kontraktuwalisasyon ay ang ating mga obrero na nawawala ang security of tenure. Obviously, na­ngingibabaw ang impluwensya ng mga mayayamang namu­muhunan at ang nasasaktan ay ang mga dukhang manggagawa.

Ayon kay Sen. Joel Villanueva, mahalagang malagdaan sa susunod na linggo ang Security of Tenure Bill para sa kapa­kanan ng mga manggagawa kasama ang Service Charge bill. Kung magiging ganap na batas ang “End Endo” bill magkakaroon na ng seguridad sa trabaho ang libu-libong manggagawa na kailangan palaging mag renew ng kanilang kontrata. Naipadala na sa Malacañang noong isang buwan ang bill at posibleng kabilang sa mga babanggitin ng Pangulo sa SONA.

Kung tutuusin, hindi na dapat sambitin ng Pangulo ito dahil sa maraming pagkakataon ay nanawagan na siya sa ating mga mambabatas na pagtibayin na ang panukala.

Hindi ko maintindihan. Sinertipikahan nang “urgent” ng Pangulo ang nasabing Security of Tenure bill sa SONA noong nakaraang taon pero hindi pa rin ito ganap na batas. May mga nagla-lobby ba mula sa business sector laban sa pagsasabatas nito? Ayaw kong iisipin na nalalamnan ang lukbutan ng ating mga pinagpipitaganang mambabatas sa pagpigil nila na maging batas ang panukala.

Sana, mas bigyang timbang ng mga mambabatas ang kapakanan ng mga obrero kaysa kapakanan ng mga nagnenegosyo. Marami namang insentibong puwedeng ibigay sa mga investors pero huwag naman sana ang pambabarat sa suweldo ng mga manggagawa. Hirap na nga silang magtamo ng umento sa sahod, nawawala pa ang tsansa nilang maregular?

2019 SONA ENDO
Philstar
  • Latest
Latest
Latest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with