^

Huling salita

K KA LANG? - Korina Sanchez (Pilipino Star Ngayon) - July 21, 2019 - 12:00am

AYON sa pinakabagong survey ng SWS, mas maraming Pilipino ang hindi naniniwala sa magagandang intensiyon ng China. Naganap ang survey matapos ang insidente sa Recto Bank kung saan iniwan na lang ang mga Pilipinong mangingisda matapos mabangga o banggain ng Chinese vessel. Malinaw na hindi ito ikinatuwa ng marami. Hanggang ngayon ay wala pang pananagutan ang mga tauhan ng barko ng China kung sila nga ang nakabangga. Minaliit ng gobyerno ng China pati na rin ng administrasyon ang insidente, hanggang lumabas ang ulat ng PCG-Marina na matapos ikutan ng barko ng China ang mga Pilipinong mangingisda, pinatay ang kanilang ilaw at umalis. 

Kaya naman mukhang babala ang pahayag ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo na “nayayamot si President Duterte kaya tuturuan ang kanyang mga kritiko” sa SONA bukas. Ang pagbatikos sa kasunduan ni Duterte at Chinese President Xi Jinping na payagan ang mga mangingisdang Chinese sa ating EEZ sa West Philippine Sea ang kinaiinisan daw ni Duterte.

Lumabas na lang ang nasabing kasunduan nang maganap ang insidente sa Recto Bank. Nasa loob kasi ng Exclusive Economic Zone (EEZ) ng Pilipinas ang Recto Bank kaya marami ang nagtanong kung bakit nasa loob ng EEZ ang barko ng China, kung nakasaad sa Saligang Batas na ang mga Pilipino ang dapat makinabang sa lahat ng yamang maibibigay ng ating EEZ. Ayon kay Duterte, tayo nga ang may-ari ng bahagi ng karagatang iyan pero pinapayagan lang daw niya ang China na makapangisda roon. Ginawa rin para makabalik ang mga Pilipinong mangingisda sa Panatag Shoal.

Hindi nga ito tinanggap ng marami tulad ni Supreme Court Senior Associate Justice Antonio Carpio na walang pagod na ipinagtatanggol ang soberenya, teritoryo at karapatan ng bansa. Nanawagan nga na bawiin ang nasabing kasunduan ng Pilipinas sa China at huwag banggitin sa kanyang SONA bukas. Kapag binanggit umano ni Duterte ang kasunduan, legal na raw ito at hindi na puwedeng bawiin, hindi na rin tayo puwedeng umatras. Wala na ring magagawa ang mamamayan kahit ganyan pa ang saloobin, dahil si Duterte ang may huling salita.

CHINESE VESSEL RECTO BANK
Philstar
  • Latest
Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with