Matibay ang relasyon
K KA LANG? - Korina Sanchez (Pilipino Star Ngayon) - July 20, 2019 - 12:00am

MATIBAY ang relasyong-militar sa pagitan ng Pilipinas at United States sa kabila ng militarisasyon ng China ng halos buong karagatan. Hindi na sekreto na naglagay ng mga sandata at kagamitang militar ang China sa mga islang inilikha bukod sa mga barko ng coast guard at mga militia na tila nagpapanggap lamang na mangingisda. Maraming lugar ang kinokontrol ng China kung saan kailangan pang magpaalam sa kanila kung lalayag o lilipad. Magpapadala pa ng babala na umalis sa lugar dahil teritoryo raw nila, bagay na hindi pinapansin ng US at iba pang bansang lumalayag ng malaya sa international na karagatan.

Nataon naman na muling nanuya si Pres. Rodrigo Duterte na ipatupad ang Mutual Defense Treaty (MDT) sa pagitan ng Pilipinas at US, ipadala ang US Seventh Fleet sa harap ng China at sasamahan daw nila hila-hila si Supreme Court Senior Associate Justice Carpio at iba pang mga maiingay hinggil sa mga isyu sa West Philippine Sea. Sasakay daw kung saan nakasakay ang kanilang admiral at siya na raw ang pipindot para magsimula na ang digmaan. Iyan na raw ang katapusan ng Palawan o ng buong Pilipinas.

Ano kaya ang tingin ng buong mundo sa mga pahayag na iyan? Pero wala namang nagsasabing giyerahin ang China. Ang hinihingi lang natin ay ang kapwa-respeto sa China na hindi talaga nagaganap ngayon sa karagatan. Nangako naman ang US na ipatutupad ang kasunduan sa MDT kapag sinalakay ang mga barkong militar o pribado ng Pilipinas sa South China Sea.

Ang Indonesia nga pinasasabog ang mga barkong pa­ngisda ng China na iligal na pumasok sa kanilang exclusive economic zone (EEZ). Nagpadala ba ng mga barkong pandigma ang China sa karagatan ng Indonesia? Hindi kasi nagpapakita ang Indonesia ng takot. Noong 2016, suma­kay pa nga ng barkong pandigma si Indonesian President Joko Widodo at lumayag sa Natuna Islands sa gilid ng South China Sea na mistulang ipinaaalam ang kanilang soberenya sa lugar.

Ano ba ang ipinakikita natin sa China? Ngayon lang ay nagdeklara ang Vietnam ng soberenya, karapatang soberenya at hurisdiksyon sa East Sea ayon sa 1982 UNCLOS. Lumagda ang China sa UNCLOS. Ang Vietnam ang tanging bansa na nagkaroon ng armadong sagupaan sa China dahil sa teritoryo sa Johnson South Reef noong 1988. Iginiit na handang makipag-usap sa lahat para masolusyunan ang mga isyung teritoryo sa mapayapang paraan. Dapat tumulad din ang Pilipinas sa pahayag ng Vietnam. Pare-pareho namang China ang ating problema pagdating sa teritoryo.

COAST GUARD MILTARIZATION
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with