^

PSN Opinyon

EDITORYAL - Basurang itinapon, ibinalik ng alon

Pilipino Star Ngayon
EDITORYAL - Basurang itinapon, ibinalik ng alon

MAHIGIT anim na buwan nang nililinis ang Manila Bay. Marami na ring mga restaurant at iba pang establishments ang ipinasara dahil sa pagtatapon ng kanilang basura sa dagat. Naging abala ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa paglilinis ng Manila Bay at pinagbawalan pa ang mga tao na huwag lumusong at maligo sapag­kat sobrang dumi ng tubig. Hindi lamang mga basu­rang plastic ang nasa Manila Bay kundi pati dumi ng tao at hayop. Nagmistulang malaking inidoro ang dating hinahangaang Manila Bay.

Sa kabila ng paglilinis ng DENR at iba pang civic group sa Manila Bay, wala pa ring pagbabago at patuloy pa rin ang pagtatapon ng basura sa lawa. Kamakalawa, tambak ng basura ang makikita sa kahabaan ng Roxas Boulevard. Iba’t ibang klase ng basurang plastic ang isinuka --- shopping bags, sachet ng 3 and 1 coffee, shampoo, ketsup, sako ng bigas, botelya ng softdrinks, cup ng noodles, sirang silya, putol-putol na kahoy, katawan at dahon ng saging at marami pang basura.

Tuwing may bagyo at malaki ang alon, tiyak na ibabalik ang mga basurang itinapon. Ayon sa report, ang mga basura ay galing sa mga informal settlers o squatters na nakatira sa baybayin ng Manila Bay. Sa Baseco compound may pinakamaraming informal settlers at wala silang pakundangan kung magtapon ng basura. Hagis na lang sila nang hagis. Ang mga nakatira sa estero ay ganundin ang ginagawa kaya hindi na umaagos ang tubig. Mula sa estero, tatangayin ang basura sa Manila Bay.

Sa Manila Bay din humahantong ang mga basurang itinapon ng mga taga-Cavite at Bataan. Ang itinapon nila, mga taga-Metro Manila ang nagpapasan at namumroblema.

Mas magandang gawin ng DENR ay unahin munang alisin ang informal settlers sa baybayin ng Manila Bay. Kahit linisin nang linisin ang Manila Bay kung marami pa ring squatters, balewala rin. Katulungin ang local government unit ng Maynila. Ngayong ma­sipag ang mayor ng Maynila na si Isko Moreno, tiyak na mapapadali ang paglilipat sa mga iskuwater para mawala na ang mga magtatapon ng basura. Su­wetuhin naman ng DILG ang mga LGU ng mga Cavite at Bataan para ipagbawal ang pagtatapon ng basura sa karagatan na humahantong sa Manila Bay. Magkaroon sana ng disiplina sa pagtatapon ng basura.

vuukle comment

DENR

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with