EDITORYAL - Mga karag-karag na jeepney, wawalisin na
(Pilipino Star Ngayon) - July 18, 2019 - 12:00am

HANGGANG Hunyo 30, 2020 na lamang ang palugit sa mga bulok na public utility vehicle (PUV) kabilang ang jeepneys para yumaot sa mga kalsada. Pagsapit ng Hulyo 1, hindi na makikita ang mga ito sapagkat huhulihin na bilang pagsunod sa moder­nization program ng Duterte administration. Isang taon na lang ang nalalabi para mag-comply ang mga jeepney operators sa programa ng gobyerno na ini­lunsad noong 2017. Mismong si President Duterte pa ang nagsabi na kapag hindi sumunod ang operators, ipahahatak niya ang mga bulok na jeepney.

Ayon sa programa, lahat ng mga lumang jeepney na may edad 15 taon pataas ay papalitan ng mga modernong PUVs na pinatatakbo ng bagong Euro 4-compliant diesel engines o electric motors. Layunin ng programa na makapagbigay ng ligtas na transport system sa commuters at upang malabanan din ang matinding epekto ng air pollution. Ayon sa report, 80 percent ng air pollution problem ay nagmula sa mga lumang sasakyan lalo na ang mga jeepney. Karamihan sa mga yumayaot na jeepneys ay hindi na dumadaan sa maintenance schedule at pasada lang nang pasada. Banta rin sa buhay ng mga pasahero sapagkat dahil sa kalumaan, nawawalan ng preno at sumasalpok ang mga ito at may mga namamatay.

Ayon sa Land Transportation, Franchising and Regulatory Board (LTFRB), target nila na mapalitan ang may 170,000 units ng mga bulok na jeepney sa buong bansa. Sa kasalukuyan, mayroon nang 4,000 units na mga modernong jeepneys. Positibo ang LTFRB na bago sumapit ang 2020, makukumpleto nila ang mga target na modern jeepneys.

Nagbabanta naman ang ilang grupo at mga ope­rator ng jeepney na magsasagawa sila ng tigil pasada para tutulan ang modernization program. Hindi raw kakayanin ng mga operator ang mahal na presyo ng mga modernong jeepney. Sabi naman ng LTFRB, tatlong taon na ang nakalipas at ganito pa rin ang sinasabi ng mga operators. Tutulungan naman sila ng pamahalaan para makakuha ng bagong jeepney pero hindi nila ito maintindihan.

Ipagpatuloy ang modernization program at huwag matakot sa banta ng mga grupo na magsasagawa sila ng tigil-pasada. Panahon na para mawala sa kalsada ang mga bulok na jeepney na mapa­nganib sa buhay at nagdudulot ng pagkalason sa kapaligiran.

JEEPNEYS PUBLIC UTILITY VEHICLE
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with