Mga hakbang sa panibagong ikaw
DOC WILLIE - Dr. Willie T. Ong (Pilipino Star Ngayon) - July 18, 2019 - 12:00am

(Part 1)

1. Magpapayat sa ligtas na paraan.

Magtimbang at suriin kung lampas ka sa timbang. Kung sobra sa timbang, subukang mag-papayat ng 1-2 pounds bawat linggo hanggang maabot ang tamang timbang. Umiwas sa biglaang pagdidiyeta (crash diet) dahil masama ito sa kalusugan. Bawasan ang dami ng kinakain at umiwas sa matatamis na inumin. Tubig lang ang inumin.

2. Magbawas sa kanin at carbohydrates.

Para pumayat, bawasan ang kinakain na kanin, tina­pay, pansit at spaghetti. Mas masustansya ang brown rice at wheat bread. Kung dati-rati ay 2 platong kanin ang nauubos mo, gawin na lang 1 tasang kanin o half rice lang. Mabilis din magpataba ang matatamis na pang­himagas at inumin tulad ng softdrinks, energy drinks at iced tea.

3. Subukan ang red at green diet.

Bawasan ang pagkain ng processed foods na posibleng magdulot ng kanser, tulad ng hotdog, tocino, ham, longganisa at bacon. Mas kumain ng mapula at berdeng gulay at prutas. Mabuti sa puso at utak ang “pulang pagkain” tulad ng pakwan, mansanas, kamatis, ketsap at strawberry. Makatutulong ang “berdeng gulay” tulad ng kangkong, ampalaya, sigarilyas at broccoli, sa pag-iwas sa kanser, at pag-alaga ng tiyan. Magiging regular din ang iyong pagdumi.

4. Galaw-galaw para hindi pumanaw.

Para pumayat at lumakas ang katawan, umpisahan ang regular na ehersisyo. Puwede ang paglalakad, jogging, at paggawa ng simpleng ehersisyo tulad ng pag-squat, abdominal crunch, paggamit ng dumbbell, at pag-stretch. Puwede rin mag-enroll sa gym. Kailangan ay tuluy-tuloy ang pag-ehersisyo, ng 3-4 beses kada linggo, para maramdaman ang paglakas ng katawan. Tinatayang maghihintay pa ng 7 linggo bago lalakas ang katawan. Sa edad 40 pataas, kumunsulta muna sa doktor bago mag-ehersisyo.

5. Tubig ang panlinis ng katawan.

Ang tubig ay tunay na pampabuhay sa atin. Kailangan uminom ng 8-10 basong tubig araw-araw. Makatutulong ang tubig sa pag-iwas sa impeksyon sa ihi, at pagkakaroon ng bato sa bato (kidney stones). Kapag sapat ang tubig na iniinom, makaiiwas din sa sakit ng ulo, migraine, at pagkulubot ng mukha. Kailangan din ng tubig para sa regular na pagdumi, pag-ihi at para gumana ang ating kidneys at utak.

WEIGHT
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with