NIA, tulungan n’yo naman ‘to!
BITAG - Ben Tulfo (Pilipino Star Ngayon) - July 17, 2019 - 12:00am

KASABAY ng pagsisimula ng panahon ng tag-ulan ay ang pagragasa rin ng mga sumbong sa aming tanggapan. Mga perwisyong dulot ng mga sira-sira at hindi matapus-tapos na proyekto ng gobyerno. Mga depektibong imprastraktura na nagpapahirap sa mga kababayan natin sa probinsiya. Hindi na bago sa’min ‘to. Lalo na kapag sinamahan pa ng malakas na ulan at baha.

Isang concerned citizen ng San Miguel City, Surigao del Sur ang nagpadala ng mensahe sa aming Facebook page. Reklamo niya, taun-taon na lamang nasisira ang tulay na kumukonekta sa mga barangay ng Baras, Libas-sud, Roque at Bulhoon.

Sa kahoy lang yari ang tulay. Kaya naman kapag tumaas na ang tubig sa ilog ay madali itong nasisira. Ang siste, kung ayusin man ay kahoy lang din ang ipinapalit. Delikadong daanan ng mga tao lalo na’t rumaragasang tubig sa ilalim nito.

Nakapanayam namin live sa aming programa si Engr Angel Quico, OIC ng Municipal Engineering Department ng San Miguel, Surigao del Sur. Mukhang clueless yata si Engineer sa problema ng lungsod nila. Palusot ni Kolokoy, newly-hired daw kasi siya kaya di niya alam. Di uubra sa’kin ang ganung patutsada. Kaya payo ko kay Engineer, mag-ocular inspection siya.

Huwag n’yong hintaying mauna pang makarating sa’min ang sumbong ng taumbayan kaysa sa solusyong matagal n’yo nang dapat ginawa. Dahil pag nakarating sa’min ang mga reklamo, kami ang tatrabaho ng responsibilidad n’yo, aksyon ora mismo!

Upang maayos ang problema, nakipag-ugnayan kami kay dating Mayor Alvaro Elizalde. Kinumpirma ni Ex-Mayor na naipaayos na nila ang tulay, ngunit kahoy pa rin ito. Wala raw silang sapat na budget sa mas matibay na steel bridge.

Eto ang ikinagulat ko, nanghingi ng saklolo sa amin ang dating mayor. Baka raw matulungan namin silang makahingi ng budget sa National Irrigation Administration (NIA) dahil kakailanganin ng P400 milyon para sa pagpapatayo ng mas matibay na tulay. Bihirang mangyaring ang opisyal ng gobyerno ang manghingi ng tulong sa amin. Pero sa ngalan ng public service, nangako akong tutulong.

Kaya panawagan ko sa NIA, apat na barangay po ang nagkakabit sa tulay na ‘to. Ano ba namang pondohan n’yo ito upang gawin nang steel bridge. Para na lamang sa kaligtasan ng mga nakikinabang sa tulay na ito. Hindi ba’t mas malaki ang magiging gastusin ng lokal na pamahalaan kung taun-taon itong ipapagawa?  Lalo na’t pansamantalang kaginhawahan lang naman ang naidudulot ng pagkumpuni nito na kung kahoy din lang ang gamit.

Huwag na po natin hintaying may madisgrasya pa sa ganitong klaseng sistema. Kami sa BITAG Pambansang Sumbungan, hangad din namin ang kaginhawahan at kaligtasan ng ating mga kababayan. Walang masama kung lahat tayo ay magtutulungan.

NATIONAL IRRIGATION ADMINISTRATION
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with