Kabulukan sa Maynila, nililinis na ni Isko
BANAT NI BATUIGAS - Bening Batuigas (Pilipino Star Ngayon) - July 13, 2019 - 12:00am

SA ipinakitang gilas ni Manila Mayor Francisco “Isko Mo­reno” Domagoso nitong mga nakalipas na araw, maraming senador ang humanga sa kanya. Walang sinanto si Isko sa pagwasak ng mga illegal sa lungsod at ang higit na ikinatuwa ng lahat ay nang tanggihan nito ang tumataginting na P5 milyong suhol kada araw ng sindikato.

Sa pagharibas ni Isko, maraming nagutom na illegal vendors at gambling operators. Apektado rin ang mga tong kolektor ng MPD at mga buwaya sa city hall. Subalit wala silang magagawa dahil ito ang pangako ni Isko sa mga bomoto sa kanya -- lilinisin niya sa kabulukan ang Maynila.

Si Isko mismo ang nanguna sa paggiba ng illegal structures sa Divisoria, Quiapo at Blumentritt. Sa isang iglap, naging maayos at maganda ang lugar. Nawala ang amoy dahil sa pagiging burara ng vendors. Ipinawasak din niya ang barracks ng fire volunteers sa Binondo. Ipinahatak ang mga fire trucks.

Walang nagawa ang fire volunteers subalit nang maalis ang barracks at fire trucks, naging maayos na ang daloy ng trapiko. Malaking bagay ito sa mga negosyante at maging sa mga mamimili dahil mapapabilis ang kanilang transak­siyon at pag-angkat ng mga kalakal.

Malaking bagay rin ito sa turismo. Dadagsa ang mga turista dahil ang Maynila ay maraming historical sites. Ayon kay Tourism secretary Berna Romulo Puyat, sa ipinakitang sipag ni Isko darami ang mga turista at malaki ang maitutulong nito sa pag-unlad ng ekonomiya ng Maynila at maging sa buong bansa.

Sa kabila naman ng mga papuri kay Isko, may mga kuma­kalaban din dito. Ang tinutukoy ko ay ang sindikato ng vendors. Nitong nakalipas na araw, naglatag ng mga asul na tent ang sindikato sa Divisoria at Quiapo. Pahiwatig na may balak pa rin silang umukupa sa mga naturang lugar.

Dito masusukat ang tibay ni Isko. Kasi nang gibain niya ang mga puwesto ng sindikato, nangako siya na hindi papayagang makapaglatag ang mga ito. “Kapag nakabalik sila, tiyak na nalagyan na nila ako!’ Ito ang sabi ni Isko matapos mangako ng 48 oras lamang at malilinis ang lahat. Ito ang minamataan ngayon ng Manileño. Kung mapanatili ni Isko ang binitawang salita, ito ang hudyat sa iba pang mayor na linisin din ang kanilang nasasakupan.

Nasorpresa naman ang Manila Police District nang holdapin ang Metrobank branch sa Sto Cristo, Divisoria noong Huwebes. Nasaan ang mga foot patroller ng MPD ng mga oras na ‘yun? Abangan!

FRANCISCO “ISKO MO­RENO” DOMAGOSO
Philstar
  • Latest
Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with