Mali na nga pinipilit pa, nahambalos tuloy!
BITAG - Ben Tulfo (Pilipino Star Ngayon) - July 12, 2019 - 12:00am

HINDI sa nagmamayabang, marami nang nahambalos ang BITAG. Simula 2002, nagtutugis na kami ng mga dorobo’t abusado. Pero lilinawin ko, hindi lang mga inirereklamo o suspek ang nahambalos ko, bukas o patay man ang camera. Sa maniwala kayo’t sa hindi, may mga nagrereklamo o biktima na ring nasampulan ang BITAG.

Kritikal at mapag-analisa ang BITAG. Bawat sumbong at reklamong umaabot sa aming opisina ay inaaral mabuti, bawat boses pinakikinggan at kada hakbang pinagpapla­nuhan. Otsenta porsiyento ng dumarating sa aming action center, sumbong na may kinalaman sa labor. Pang-aabuso at panla­lamang ng mga amo ang karaniwang sumbong, kalimitan, mga Tsino ang amo.

Itong sumbong ng dalawang biktima, halos alilain daw sila ng mga ito dahil 12 oras kung pagtrabahuhin sa loob ng isang buong linggo. Walang overtime pay, walang holi-holiday, below minimum wage at hindi pagbabayad ng bene­pisyo. Kung tutuusin, hindi na bago ang ganitong klase ng sumbong sa mga boss, halos nag-iiba lang ng hugis, anyo at boses pero iisa lang ang tinutumbok ng hinaing. ‘Di makatarungang pagtrato sa mga manggagawang Pilipino.

Sa ngalan ng katotohanan at patas na pamamahayag, tinawagan ko ang kanilang amo. On air sa Aksiyon Ora Mismo, nilinaw ng ginang na ‘di naman daw nila inaalipin ang kanilang mga tauhan at pinagtatrabaho ng sobra-sobra. Malaya raw nakakapagdesisyon ang mga ito na mag-break anumang oras at umuwi ng maaga. Wala naman daw mga among bantay sa tindahan kaya walang nagbabawal sa kanilang mga empleyado. May benepisyo rin daw ang mga ito, hinamon pa ng amo na i-check sa SSS at Pag-IBIG ang kanilang mga hulog. Ang katotohanan daw, ang isa sa mga nagrereklamo ang ayaw magpahulog ng benepisyo para ‘di mabawasan ang sahod.

Sa usapin ng mababang pasahod, nasasaad sa Department of Labor and Employment (DOLE) na P500 ang minimum wage ng isang kompanyang wala pang 15 ang tauhan.

Disenteng kausap ang employer, nauunawan ang estilo ng BITAG at gumagamit ng salita ng paggalang kaya paggalang din ang aking ibinalik. Layunin naming maayos ang gusot at di pagkakaunawan imbis na manggatong. Subalit  tila bato sa pagmamatigas na makipag-usap at makipagayos ang dalawang empleyado sa inirereklamo nilang employer, piniling mag-resign na lang kaysa makipag-ayos.

Eh kung matigas pa sa bakal ang bumbunan mo, ikaw na nga itong sinungaling eh ikaw pa tong nagmamalaki, talagang hambalos aabutin mo sa akin. Sinong di iinit ang ulo na balak pang gamitin ang BITAG sa sariling kapritso? Lahat naman ng tao ay nagkakamali, ang siste nga lang hindi lahat ay may kakayahang makita agad ang mali nila kaya ipinipilit ang sa tingin nila ay tama. Ang pag-amin ng pagkakamali ang magbibigay puwang upang matuwid ang baluktot.

Ganito ang istilo namin sa BITAG, hindi lang ang mga inirereklamo ang hinahambalos namin kahit ikaw na nagrereklamo, kapag nakitaan namin na ikaw ang nangangailangan ng hambalos at kalampag, hindi kami magdadalawang isip na ibigay sa iyo ang tatak ng Pambansang Sumbungan.

BITAG
Philstar
  • Latest
Latest
Latest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with