Tayo lang
K KA LANG? - Korina Sanchez (Pilipino Star Ngayon) - July 12, 2019 - 12:00am

NOONG Abril, nagsampa ng petisyon sa Korte Suprema ang ilang mangingisda mula Palawan na kinakatawan ng Integrated Bar of the Philippines na protektahan ang kali­kasan sa West Philippine Sea dahil sa malawakang pagka­sira dulot ng pangingisda ng China. Ilang ahensiya ng gob­yerno ang pinasasagot sa petisyon kabilang ang Department of Environment and Natural Resources, Department of Agriculture, Philippine Coast Guard, BFAR, Philippine Navy, Philippine National Police, Police Maritime Group at DOJ. Si Solicitor General Jose Calida ang abogado ng gobyerno. Ayon sa petisyon, hindi pinatupad ng mga ahen­siya ng gobyerno ang proteksiyon ng kalikasan sa West Philippine Sea na nasa loob ng ating Exclusive Economic Zone. Maraming nilalabag ang mga mangingisdang Chinese tulad ng paggamit ng dinamita, cyanide at pati paghango ng mga taklobo.

May ulat na mauubos na ang likas na kayamanan sa West Philippine Sea sa loob ng limang taon. Ito ang dahilan kung bakit sa Korte Suprema na nagtungo ang mga mangingisda na walang laban sa mga barkong pangisda ng China. Nawawalan sila ng hanapbuhay at nasisira pa ang kalikasan na baka hindi na makabawi sa malawakang pagkasira. Pero ayon kay Calida, sumang-ayon na raw ang mga nagpetisyon at ang gobyerno na balewalain ang petis­yon dahil ang 19 na mangingisda ang nagpahayag na wala silang kinalaman sa nasabing petisyon. Umalma ang mga abogado ng petisyon dahil kinukuwestiyon kung bakit kina­usap ng gobyerno ang mga mangingisda na hindi nila alam. Sinuspinde muna ng Korte Suprema ang pagdinig. Pero alam ko na ang magiging katapusan nito.

Tayo lang ang bansa na walang pakialam sa mga puma­pasok sa karagatan natin partikular sa EEZ at inuubos ang isda, walang pakialam sa kapakanan ng sariling mangingisda kung saan kailangan pang magsampa ng petisyon para protektahan ang kalikasan at panagutin ang mga ahensiya ng gobyerno. Tayo lang ang bansang pinapaboran ang dayuhang mangingisda imbis ang sarili. Ang pahayag ng 19 na mangingisda na wala silang kinalaman sa petisyon ay halos kapareho ng pagbago ng pahayag ng mga mangingisda sa naganap na insidente sa Recto Bank matapos makausap ng isang opisyal ng administrasyon. Kung noong Abril pa isinampa ang petisyon, bakit ngayon lang nila itinatanggi? Minaliit din ng mga opisyal ng administrasyon ang pagbangga, paglubog at pag-iwan sa Recto 22, at mas unang pinalabas na masama ang pagpinta sa kanila ng resulta ng imbestigasyon ng PCG-Marina. Lahat gagawin ng administrasyong ito para huwag galitin ang China. “Only in the Philippines” ika nga.

INTEGRATED BAR OF THE PHILIPPINES
Philstar
  • Latest
Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with