^

PSN Opinyon

Tanggal si Atorni

IKAW AT ANG BATAS - Jose C. Sison - Pilipino Star Ngayon

(Unang bahagi)

ANG kasong ito ay tungkol sa karapatan ng isang abogado sa tinatawag na “practice of law”. Ayon sa Supreme Court, hindi ito karapatan sa Saligang Batas na ibinibigay sa lahat kundi isang pribilehiyo para sa iilan lamang na may “good moral character” o magandang pag-uugali. Ang isyu sa kasong ito ay kung ano ang ibig sabihin ng “good moral character”. Sasagutin din sa kaso kung ang isang tao na nakapasa sa abogasya ay puwedeng tanggalin sa listahan at pagbawalan na gamitin ang propesyong pinaghirapan.

Ang kasong ito ay tungkol sa magkapatid na Markus at Cedric na mga anak nina Arturo at Thelma. Pareho silang nag-aral at nakatapos ng high school sa unibersidad ng lungsod kung saan sila nakatira. Dalawang taon ang tanda ni Cedric kay Markus pero mas nauna ang bunso na makatapos sa kursong Business Administration at naging manedyer sa isa sa malalaking mall sa bansa.

Nag-aral si Cedric sa ibang unibersidad pero tumagal lang siya roon ng isang taon.  Lumipat siya sa Philippine Military Academy (PMA) kung saan natanggal naman siya pagkatapos lang ng isang taon. Tumulong na lang siya sa negosyo ng ama na car rental. Pagkatapos pa ng apat na taon ay lumipat siya sa ibang probinsiya sa norte kasama ang kanyang asawang si Ana at tatlong anak. Nag-aral siya sa law school gamit ang pangalan at mga rekord ni Markus.  Natapos niya ang kurso at kumuha ng Bar exam gamit ang ngalang “Markus Valdez”.

Unang nalaman ni Markus sa ina ang tungkol sa paggamit ni Cedric ng pangalan niya sa pag-aaral ng abogasya at ang plano nito na maging abogado. Nakumpirma niya ang lahat ng makita ang sertipikasyon sa abogasya sa pangalan na “Markus Valdez” na nakasabit sa law office ng kapatid. Ipinagwalambahala niya ito at hindi pinansin ang magiging kapalit.

Iyon nga lang, noong manager na si Markus, ipinaalam sa kanya ng head office ang tungkol sa ginagawang imbestigasyon sa kanya  ng NBI at pinapaharap siya kaugnay ng isang kasong kinasasangkutan ni Cedric gamit ang kanyang pangalan. Tungkol pala iyon sa mga kaso ng qualified theft at estafa na isinampa mismo ng isa sa mga ninong sa kasal ni Cedric. Nalaman din ni Markus ang tungkol sa iba pang kasong kinasasangkutan ng kapatid kabilang na ang anomalya sa pagbili ng lupa, gunrunning o pagbebenta ng baril at mga pampasabog pati mga talbog na tseke (BP 22).

Dahil sa sangkatutak na kaso ng kapatid, napilitan na si Markus na magbitiw sa trabaho. Nagsampa siya ng reklamo sa CBD-IBP (Commission on Bar Discipline of the Integrated Bar of the Philippines) laban kay “Atty. Markus Valdez” na ang tunay na pangalan ay “Cedric Valdez” at umagaw lang sa kanyang katauhan para makapag-aral lang ng abogasya at maging abogado. Malinaw at matibay ang kanyang ebidensiya na siya ang tunay na “Markus Valdez”.

Sa kanyang sagot ay todo tanggi lang si Cedric sa mga paratang sa kanya at ginamit na basehan ang res judicata o desisyon sa isang kaso pabor sa kanya. Hindi na raw puwedeng kalkalin ng CBD ang tungkol sa kanyang katauhan dahil may dati na siyang kasong administratibo na ibinasura ng IBP Board of Governors na isinampa ng isang ninong niya sa kasal. Dineklara na raw itong sarado at tapos ng Supreme Court.

(Itutuloy)

vuukle comment

PHILIPPINE MILITARY ACADEMY

SUPREME COURT

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with