Bagal, pabagu-bago: Mga sakit ng gobyerno
SAPOL - Jarius Bondoc (Pilipino Star Ngayon) - June 17, 2019 - 12:00am

SA wakas, hinahabaan at nilalaparan na ang Light Rail Transit-1 mula Baclaran tungong Cavite. Buti napaandar na ng Department of Transportation nitong Mayo 2019. Labing-pitong taon bago nasimulan ang proyekto. Enero 2002 pa nang aprubahan ‘yon ng National Economic and Development Authority. Pero nagpatumpik-tumpik ang da­la­wang administrasyon bago ito isakatuparan. Kung sinu-sinong kon­tratista ang pinagastos sa paglahad ng detalyes ng kung anu-anong ruta.

Hanggang Tagaytay City pa nga, sa dulo ng Cavite at boundary ng Batangas, nu’ng una ito plinano. Pinaikli, hanggang Bacoor na lang, sa bungad ng Cavite mula Metro Manila. Daan-libo rin ang makikinabang.

Ang LRT-1 extension ay 11.7 kilometro lang, at expansion ay 40 tren na tig-apat na bagon, o 160 bagon lang. Ikumpara ito sa China, kung saan nakakapaglatag ng sampung kilometro ng riles kada araw sa bawat proyekto at dose-dosena ang sabay-sabay na railway projects. Ikum­para sa mga munting Hong Kong at Singapore, kung saan libong kilometro ang sala-salabat na riles at sampu-sampung libo ang mga bagon.

Sa sigasig ng gobyerno umuunlad ang ekonomiya at gumaganda ang buhay ng mamamayan. Halos sabay nagkasarinlan ang Pilipinas, 1947, at China, 1949. Isinilang ang Singapore nu’ng 1965. Pero napag-iwanan ng dalawa ang Pilipinas sa agrikultura at industriya, kalakal at teknolohiya. Ang China ay pangunahing supplier ng mundo ng murang kagamitang telecoms, electric cars, at artificial intelligence. Singapore ang regional headquarters at arbitration center sa Asia-Pacific ng mga higanteng kompanya mula America at Europe.

Sa China at Singapore halos burado na ang karalitaan. Asikaso ang edukasyon, kalusugan, kalikasan, katiwasayan, pabahay, pensiyon at kaayusan. Wala nga palang demo­krasya at bugok na pulitiko roon.

* * *

Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).

DEPARTMENT OF TRANSPORTATION LIGHT RAIL TRANSIT-1
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with