Suwerte sa matandang mayaman

IKAW AT ANG BATAS - Atty. Jose C. Sison (Pilipino Star Ngayon) - June 16, 2019 - 12:00am

(Unang bahagi)

ANG pinakamatibay na ebidensiya ng isang kasal ay ang mismong kasamiyento ng kasal na kusang loob na pinir­mahan at ginawa ng dalawang nagpakasal matapos silang makakuha ng lisensiya. Ang lisensiya (marriage license) at kontrata (marriage contract) ng kasal ay parehong opisyal na dokumento o “public document”. Ang legalidad nito ay hindi maisasantabi maliban at may matibay, malinaw at kapani-paniwalang testimonya tungkol sa kawalan ng kakayahan ng nagpakasal.

Ano ba ang basehan para sabihin na walang kakayahan na magpakasal ang isang tao? Ito ba ay katandaan, pagkaulyanin, diperensiya sa katawan, kahinaan ng me­­morya o anumang kakatwang kilos ng taong nagpa­kasal? Ano ang epekto ng kasal sa pagiging lehitimo ng mga anak na isinilang bago ang kasal at pagkatapos ng kasal? Ito ang mga tanong na sasagutin sa kaso nina Mario at Ella.

Isang matandang mayaman si Mario. Seventy six years old na siya at nakipag live-in sa isang babaeng kalahati lang ang edad sa kanya, si Ella. Habang nagsasama sila ay nagkaroon sila ng anak na lalaki at bininyagan sa pa­ngalang Nathan. Matapos ang apat na taon ay nagde­sisyon ang dalawa na magpakasal.

Pareho silang kumuha ng lisensiya sa kasal at kala­unan ay nagpakasal sa harap ng isang pari sa seremon­yas ng simbahang Romano Katoliko. Pagkatapos ay pu­mirma sila pareho ng kasamiyento ng kasal. Ilang linggo ang lumipas ay namatay na si Mario. Pero ipinagbubuntis na noon ni Ella ang kanilang pangalawang anak na si MJ na ipinanganak pitong buwan matapos ang pagkamatay ni Mario.

Lumalabas na gumawa ng huling testament (last will and testament) si Mario apat na taon bago siya namatay at ginawa niyang administrador si Leslie. Sina Will at Tristan ang ginawa niyang tagapagmana. Habang dinidinig ng korte ang kaso ay naghabol si Ella para sa kanyang sarili bilang asawa at para sa mga anak na sina Nathan at MJ.

Nagsampa sila ng petisyon para ideklarang tagapagmana at mga legal na anak. Bilang ebidensiya ay tumestigo si Ella at sinumite ang kanilang marriage license at marriage certificate. Tumestigo rin ang pari na nagkasal sa kanila tungkol sa kapasidad nilang magpakasal.

(Itutuloy)

JOSE C. SISON
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with