Ano’ng ikinagigigil nila sa Huawei?
SAPOL - Jarius Bondoc (Pilipino Star Ngayon) - June 11, 2019 - 12:00am

NAGPAPAKABIT ang Pilipinas sa China ng 12,000 closed-circuit television cameras sa mga kalye ng Metro Manila at Davao City. Gagasta nang P20 bilyon ang Department of Interior and Local Government. Equipment supplier ang higanteng Huawei Corp. Sa proyektong “Safe Philippines,” mamanmanan 24 oras, pitong araw kada linggo ang sitwasyon sa kalye.

Pero para sa America peligrosong makikontrata sa Huawei. Inaalerto nito ang mga ibang bansa sa mga umano’y natuklasan ng US intelligence: na magagamit ang networking equipment ng Huawei sa pag-espiya sa ibang gobyerno. Kesyo utos sa Huawei ng rehimeng komunista sa Beijing na maglagay ng “backdoors” sa network para makanakaw ng data at usapan sa target na ahensiya. Mawawasak umano ang seguridad ng bansa. Binawalan ni Pres. Donald Trump na magbenta ng software at parts sa Huawei ang mga kompanyang Amerikano -- kasama ang Google, Intel, at Qualcomm. Nauna ang Czech Republic at Australia sa paglimita ng pagbili ng networking gear sa Huawei.

Isa ang Huawei sa nagsimula sa mundo ng fifth generation o 5G telecoms connection. Nais ng maraming bansa ang mabilis at malawak na network. Sa pamamagitan ng murang teknolohiya ng Huawei, huhusay ang serbisyong kuryente, tubig, kalusugan, transportasyon, trapik, kontra-krimen, edukasyon, pagkalat ng kaalaman, at iba pa.

Hindi kumbinsido ang mga ibang kaalyado ng America sa babala ni Trump. Ang Britain, Canada, at New Zealand, mga kasama ng America at Australia sa Five Eyes cyber intelligence pact, ay humihingi ng solidong pruweba laban sa Huawei. Ganun din ang France, Germany, at Japan. Duda nila na galit lang si Trump sa Huawei dahil nilabag umano ang trade sanctions ng America laban sa Iran at North Korea. Nagbenta umano ang Huawei sa dalawang kalaban ng hardware na may nakakabit na software at parts mula sa suppliers na Amerikano. Inakusahan at minultahan ng America ang ZTE ng China dahil din du’n.

DEPARTMENT OF INTERIOR AND LOCAL GOVERNMENT HUAWEI
  • Latest
Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with