Pati PhilHealth hindi pinalampas
SOBRA na. Grabe na ha.
Hindi ko maintindihan kung ano ang nasa utak ng mga gumagawa ng fraudulent claims sa PhilHealth na posible pang aabot nang higit P200 billion ang nakulimbat ng mga mapagsamantala at walang kaluluwang nilalang.
Yumayaman ang mga manloloko habang marami tayong kababayan na ninanais makinabang sa benefits ng PhilHealth ngunit hindi makakakuha dahil nga hindi sila miyembro nito. Ito yung bago naaprubahan ni President Duterte ang Universal Health Care Law.
Mabuti na lang at nabisto ang modus operandi ng mga gahamang nilalang bago lumala. Tiyak na lilimasin nila ang pondo ng PhilHealth.
Ang dami nating kababayang nagkakasakit at nangangailangan ng medical attention. Malaki sana ang maitutulong ng PhilHealth ngunit nangangamba ngayong hindi na magampanan ang tungkulin ng ahensiya na tulungan ang mga may sakit at walang-wala sa buhay.
Nangako si Duterte na aaksiyunan agad-agad ang problema sa PhilHealth at nang sa ganun ay masolusyunan ang nauubos na pondo nito.
Tiyak na sa mga susunod na araw, marami pang mabibisto sa patuloy na paghalungkat ng katiwalian sa PhilHealth.
Kaabang-abang kung matatalakay din ba ang nawawalang pondo noong panahon ni Sen. Risa Hontiveros sa PhilHealth. Abangan.
- Latest