Lahat ng Pangulo may health issue
AKSYON NGAYON - Al G. Pedroche (Pilipino Star Ngayon) - May 22, 2019 - 12:00am

GALIT ang Malacañang dahil sa pagpapakalat ng pekeng balita tungkol sa kalusugan ng Pangulo. Alam n’yo ba na mula pa kay Marcos hanggang sa mga sumunod na Pa­ngulo sa kanya ay laging may isyu tungkol sa masamang kalagayan ng kanilang kalusugan? Ang iba ay totoo ngu­nit ang karamihan ay gawa-gawa lamang.

Halimbawa, sa maagang bahagi pa lang ng martial law ni Marcos, umuugong na ang balita na siya ay may sakit na lupus at sumasailalim sa dialysis. May balita pa nga noon na nilalampinan na si Marcos porke hindi na makapagpigil sa pagdumi at pag-ihi. Ang lupus ay isang walang kagalingang sakit na unti-uniting umaagnas sa katawan ng tao.

Ilang beses pang nabalita na patay na siya ngunit inabot pa ng higit sa dalawang dekada hanggang sa siya’y mapatalsik at igupo ng karamdaman at malagutan ng hininga sa Hawaii. Ang totoo lang sa mga balitang ito ay ang sakit na lupus ng diktador na tinaglay niya sa mahabang panahon at nagawa pa niyang mamuno nang napakatagal sa bansa.

Iba na kasi ang may salapi, magagawa nitong dugtu­ngan ang nauupos na buhay ng tao. Pero siyempre may limitasyon ang nagagawa ng salapi dahil Diyos lang ang nakatatalos sa kapalaran ng tao. Madalas pa ngang hamunin ni Marcos ang mga nagkakalat ng balita sa kanya na makipagsuntukan sa kanya ng isang round sa ring. 

Ang kaibahan sa sitwasyon ni Marcos, ang mala­king porsyento ng mga balita tungkol sa masama niyang kalusugan ay totoo. Alam ko iyan dahil nag-cover ako bilang reporter sa Malacañang sa huling pitong taon ni Marcos sa kapangyarihan. Napansin ko nang malapitan na may oras na mukhang malusog at malarosas ang pisngi ni Marcos pero kung minsan ay namamaga at medyo abuhin ang kulay. Sabi ng iba, ito ay dahil sumasailalim siya sa steroid treatment na kailangan ng isang taong may lupus.

Kamakailan ay napabalita ring natigok na ang Pangulong Duterte, isang fake news na hinabi-habi ng mga taong ayaw sa kanya. Iyan lagi ang sinisilip ng mga detractors ng isang namumuno. Mawaglit lang siya ng ilang araw sa paningin ng publiko, gagawan na ng nakagigimbal na balita. Bahagi kasi ng destabilization scheme ang maghasik ng pagkalito sa isip ng taumbayan.

Kung ako ang Pangulo, may leksyon akong natutuhan diyan. Kahit magbakasyon ka, keep the people informed of your condition, not necessarily your whereabouts. Tama ang ginagawa ni senator-elect Bong Go na nagpapadala ng press release ng larawan ni Duterte na nagbabasa ng latest issue ng pahayagan. Ang Pangulo ay isang public figure and he owes it to the people na ipaalam ang kanyang kalagayan lalo na ‘yung pangkalusugan.

MARTIAL LAW
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with