China militia nanunuya ng engkuwentro sa dagat
SAPOL - Jarius Bondoc (Pilipino Star Ngayon) - May 21, 2019 - 12:00am

GEOPOLITICAL booby trap ang pagdagsa ng China fishing militia sa Pag-asa Island at Sandy Cay. Panunuya ‘yon ng China ng digmaan.

Teritoryo ng Pilipinas ang Pag-asa, pinaka-malaking isla sa bayan ng Kalayaan, Palawan. May 12 nautical miles na territorial sea sa paligid. Sakop ang bagong tubong Sandy Cay na 5-nm lang mula Pag-asa. Bawal tumanod o mangisda ang dayuhan sa loob ng territorial sea.

Pinapaalis ng Pilipinas ang daan-daang vessels ng China. Pero iginigiit ng dayuhang bully na may karapatan sila roon. Sa kanila umano ang buong South China Sea batay sa historic right. Pero ibinasura ‘yon ng UN Permanent Court of Arbitration nu’ng 2016.

Ayaw ng China na sumunod sa UN. Gusto niyang daanin sa lakas militar. Ilegal din ‘yon sa international law. Pero hinihintay ng China na palayasin ng Pilipinas ang mga militia craft na nagpapanggap ng mangingisda mula Hainan. Kapag bugawin sila ng Philippine Coast Guard at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources, sisigaw ang China na kesyo inaapi ang mga sibilyan nila. Magpapadala sila ng mga barkong pandigma. Gulo na!

Dinadaan ng China sa lakas militar at dahas dahil nga ilegal lahat ng batayan ng mga kilos nito. Labag sa international law ang pag-angkin niya sa buong South China Sea. Ilegal ang pagwasak ng Zamora Reef, pag-agaw nito mula sa Pilipinas, at pagtatag ng airstrip at naval base. Ilegal ang pagpapalibot ng militia sa Pag-asa at Sandy Cay. Ilegal ang pagbawal ng pangingisda ng mga Pilipino sa sariling karagatan.

Tinatag ang China fishing militia sa Sansha, Hainan, nu’ng 2016. Binibigyan ng kagamitan at hinahasa ang libu-libong mangingisda roon sa pagpatrolya ng dagat, pag-espiya, at panggugulo sa kapit-bansa. Ang militia, tulad ng China navy at coast guards, ay nasa command ng People’s Liberation Army. Ang PLA ay hindi sangay ng estado ng China. Private army ito ng Chinese Communist Party.

CHINA FISHING MILITIA PAG-ASA ISLAND
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with