Ang totoong oposisyon?
AKSYON NGAYON - Al G. Pedroche (Pilipino Star Ngayon) - May 20, 2019 - 12:00am

ANG tunay na oposisyon ay may pagmamahal sa bayan. Ano man ang sitwasyon, hindi niya lilisanin ang lupang tinu­buan. Ano mang panganib o banta sa kanyang buhay ay haharapin niya, maipaglaban lamang ang karapatan ng kanyang sinilangang bansa.

Hindi ako mapakali sa babaw ng dahilan ng mga supporters ng oposisyon na sila’y maninirahan na sa ibang bansa dahil sa pagkatalo ng mga kandidato sa pagka-senador ng Otso-Diretso. Pagmamahal ba sa Inambayan ang motibasyon ninyo o galit lamang sa kasalukuyang rehimen? O baka naman personal na interes dahil natalo ang mga taong inaasahan ninyong makatutulong sa makasarili ninyong agenda?

Ayaw kong magsuspetsa sa kung ano ang nagbubunsod sa inyo na kumatig sa oposisyon. Pero nakakadismaya ang pahayag ninyong nag-viral sa social media na lalayas na kayo sa Pilipinas dahil wala ni isang senador na lumusot mula sa panig ng oposisyon. Hindi ganyan ang tunay na nasyonalismo o pag-ibig sa bayan.

Malusog para sa bayan ang magkaroon ng oposisyon sa pamahalaan at maging sa labas nito. Ibig sabihin, ‘yung mga taumbayan na tumututol sa mga patakarang ipina­iiral ng administrasyon at umaayon sa political oposition. Ngunit kung totoo ang malasakit ninyo sa bansa at hangad ninyo ang pagbabago, bakit aalis kayo sa halip na makipag­laban?

Noong panahon ni Marcos, maraming oposition leaders­ ang nag-alsabalutan dahil sa pag-iral ng diktadurya. Nariyan sina Salonga, Manglapus, Alvarez at marami pang iba. Iba ang kaso nila. Nanganganib ang kanilang buhay kung mananatili sila sa bansa kaya ipinagpatuloy nila ang laban sa ibayong dagat. Parang mali pa rin iyon dahil tila may bahid ng karuwagan.  Ngunit kung lilimiin natin, mas mabuting makipaglaban ng may buhay sa laya kaysa nasa kulungan kundi man patay.

Ang sinasabi ko, noong araw, may dahilan para sila mabahag ang buntot. Ngayon wala. Ngayon, nagbabanta kayo na lalayas na sa Pilipinas dahil sa pagkadismaya sa sitwasyon?  Kung inaakala ninyong nabubulagan ang mga taong bumoto sa lahat ng kandidato ni Duterte, maglunsad ng malawakang information campaign at ipaliwanag kung bakit inaakala ninyong sila’y mali.

Ipakita nating lahat na tunay tayong mga Pilipino through the exercise of our democratic rights. Kung palagay natin ay nilalabag ng gobyernong ito ang ating mga basic rights, gawin pa rin natin ang tumpak para patunayang tayo ay nasa panig ng tama. Defeatist. Iyan ang matatawag ko sa banta ninyong mag-alsabalutan.

OTSO-DIRETSO
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with