Ang tunay na political will
AKSYON NGAYON - Al G. Pedroche (Pilipino Star Ngayon) - May 18, 2019 - 12:00am

PINABALIK na sa Pilipinas ang sugo ng Pilipinas sa Canada bilang protesta sa kawalang-aksyon ng natu­rang bansa upang bawiin ang tone-toneladang basura na itinambak sa bansa. Matindi ang kahulugan nito.

Kapag nag-recall ng embahador, ibig sabihin ay pinuputol ng bansa ang pakikipag-ugnayan sa bansang pinagtalagahan sa embahador.

Bagamat ang recall ng naturang embahador ay ini­utos ni Foreign Affairs Secretary Teddy Locsin, naniniwala ako na ito’y bunsod na rin ng galit ni Presidente Duterte sa Canada  na siyang nagpadala ng naturang basura sa bansa. Alam natin na ang isang cabinet secretary tulad ni Locsin ay alter ego ng Pangulo at ang desisyon niya ay desisyon ng Pangulo.

Noon pang 2013 nakatambak ang naturang mga basura at ito’y hinihinalang sa pakikipagsabwatan ng ilang pribadong indibidwal sa mga opisyal ng pamahalaan na mailusot ang mga ito. Maraming mauunlad na bansa ang sinasamantala ang pangangailangan ng mga maliliit na nasyon upang gawing tambakan ng kanilang mga kalat kapalit ng malaking halaga. Ayaw nilang gawing basurahan ang kanilang mga bansa kaya ito’y ini-export nila sa mga mahihirap na bansang gaya natin.

Matibay ang political will ng Pangulong Duterte. Binigyan niya ng hanggang May 15 ang Canada na hakuting pabalik ang mga basurang ito pero hanggang ngayo’y walang aksyon ang naturang bansa. Wasto lang at nagpapakita ng strong political will ang recall ng ating sugo sa nasabing bansa.

Hindi komo maliit lang tayo ay uubra na tayong api-apihin at ituring na tambakan ng basura. May dignidad din naman tayo at dangal na dapat alagaan at ang pagpapakita ng determinasyon ng administrasyon laban sa ginagawang panlalait sa atin ng iba ay nararapat lamang gawin. Ang diplomasya at dapat isa-isang tabi kung ang dangal ng bansa ang nakataya.

CANADA TRASH TEDDY LOCSIN
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with