Maling interpretasyon?
K KA LANG? - Korina Sanchez (Pilipino Star Ngayon) - May 12, 2019 - 12:00am

KASALANAN daw ng media. Ito ang pahayag ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo, nang ipahayag na hindi naman kasali sina Gretchen Ho ng ABS-CBN, at Olympic Medalist Hidilyn Diaz sa destabilization. Mali na naman daw ang interpretasyon ng media sa inilabas na pinakabagong “Ouster Matrix.” Nasama ang dalawang pangalan sa sinasabing matrix, bukod sa mga madalas masamang pangalan at grupo na nasa likod umano ng destabilization. Ipinahayag pa ni Panelo na galing sa Presidente ang matrix, at pinag-aralan nang husto batay sa intel ng Office of the President. Natural, marami ang hindi makapaniwala. Kahit ilang senator na kaalyado ng administrasyon ay hindi rin makapaniwala. Inulan ng batikos ang matrix, at sinabing walang batayan.

Ayon kay Panelo, kaya lang daw nasama ang pangalan ng dalawa ay dahil ito ang nakita umano sa Facebook page ni Rodel Jayme. Sa madaling salita, sinusundan ni Jayme sina Ho at Diaz sa Facebook. Yun lang daw. Pero kung yun lang iyon, bakit kailangan pang ilagay sa matrix na iyan? Kung wala naman palang ebidensiya na sangkot ang dalawa sa destabilization, bakit kailangang ilagay sa matrix at ipakita sa publiko? At sila lang ba ang sinusundan ni Jayme sa Facebook? Kung may ibang sinusundan, bakit hindi sinama sa matrix, kung yun lang pala iyon? Dahil ba mga celebrity sina Ho at Diaz, kaya kailangang isama sa matrix?

Emosyonal si Diaz sa inilabas na video sa social media. “Huwag naman kayong ganun”, ang pahayag ng atleta, na naghahanda para sa susunod na Olympics kung saan panglima na siya sa qualifying round. Dito lang daw siya naka-focus, para makuha ang kanyang pangarap at magbigay ng karangalan sa bansa. Sino ang hindi matatakot, kapag nasali sa anumang listahang ilabas ng administrasyon? Kahit ngayon, may tagasuporta si Duterte sa social media na kumbinsido pa rin sa pagdawit kina Ho at Diaz sa destabilization. May dahilan sila para matakot. 

Kaya ano na ang kredibilidad ng “Ouster Matrix”? Kayo na ang humusga. Delikado na palang masundan ng kung sinu-sino sa internet, kung iyan lang pala ang dahilan ng Palasyo para masama sa isang matrix, kahit wala namang kinalaman sa pagpapatalsik kung kani-kanino.

SALVADOR PANELO
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with