Ano ang magagawa?
K KA LANG? - Korina Sanchez (Pilipino Star Ngayon) - May 9, 2019 - 12:00am

PINAYAGANG makapagpiyansa ang hinihinalang nasa likod ng pagdukot at pagpatay kay South Korean businessman Jee Ick-Joo noong 2016. Piyansang P300,000 para sa bawat kasong hinaharap ni Police Lt. Col Rafael Dumlao ang itinalaga ng hukuman sa Angeles City, Pampanga. Tatlong kaso ang hinaharap ni Dumlao. Ayon sa hukom, hindi napatunayan ng prosecution na matibay ang ebidensiya laban kay Dumlao, kaya pinayagang makapagpiyansa. Hindi naman pinayagang makapagpiyansa ang dalawang akusado rin sa krimen, dahil mala­kas umano ang ebidensiya na sila mismo ang gumawa ng krimen.

Ano kaya ang nararamdaman ng biyuda ni Jee Ick-Joo sa balitang ito? Binabantayang maigi ni Choi Kyung Jin ang pag-usad ng kaso laban sa mga suspek. Para makapagpiyansa ang hinihinalang nasa likod ng krimen ay siguradong hindi niya matatanggap. Pero ano ang magagawa niya, mas lalo sa panahong ito. Maaalala na sa loob pa umano ng Camp Crame pinatay si Jee Ick-Joo.

Napakalakas naman ng loob ng mga salarin para magawa nila iyan. Tila walang kaba, kaya kahit sa loob ng kampo ng pulis ay nakakapatay sila ng tao. Tatlong taon na ang lumipas, pero wala pang resolusyon ang kaso. Pero kung mga kritiko o mga nagsasalita laban sa administrasyon, partikular kay President Duterte at ang kanyang pamilya ay napakabilis kumilos ng mga awto­ridad para makasuhan sila.

Isa pang kaso na biglang nabigyan ng pansin ay ang “Euro Generals”. Pinayagan ng Sandiganbayan ang mga nabansagang “Euro Generals” na kuwestiyunin ang ebidensiya at kaso laban sa kanila. Nahuli na may dalang €105,000 (katumbas ng P7 milyon batay sa palitan ng Euro noon) si Maj. Gen. Eliseo dela Paz, habang dumadalo sa Interpol General Asembly sa Russia noong 2008. Nasa $10,000 lang ang puwedeng madala ng isang mamamayang Pilipino palabas ng bansa. Kaya paano nakapagdala ng €105,000 ay kayo na ang humusga. May karagdagang halos P3 milyon pa ang nadiskubre.

Ayon sa Sandiganbayan, ang desisyon ay para ma­subukan kung talagang matibay ang ebidensiya ng pro­secution, laban sa mga akusado. Nakikita ko na ang magi­ging resulta ng lahat na ito. Sa panahong ito, napakarami na ang nakapagpiyansa para sa kani-kanilang kaso, na kung tutuusin ay hindi puwedeng makapagpiyansa. Tila isa-isa ay nahahanapan ng paraan o dahilan para pansamantalang makalaya. Tulad ng sinabi ko, ano ang magagawa natin sa panahong ito?      

JEE ICK-JOO
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with