Bata na naman
K KA LANG? - Korina Sanchez (Pilipino Star Ngayon) - May 5, 2019 - 12:00am

MABUTI  naman at nagpahayag si National Capital Region Police Office (NCRPO) chief Maj. Gen. Guillermo Eleazar, na walang naganap na barilan kung saan may tinamaan na namang bata. Namatay si Gian Habal, anim na taong gulang, dahil sa tama sa noo. Wala nang nagawa sa ospital na pinagdalhan. Ayon kay Cpl. Rocky delos Reyes, may nakabarilan daw siyang drug suspect. Pero ayon sa mga testigo, walang naganap na barilan. Binaril pa umano ni Delos Reyes sa paa ang lola ni Gian nang pigilan siyang makaalis matapos mabaril ang bata. Hindi na ba talaga ligtas maglaro sa labas ang mga bata ngayon, kung may mga pulis na katulad ni Delos Reyes?

Napag-alaman na may ilang kaso na rin ang pulis na ito, tulad ng pagpaputok ng baril noong Disyembre at pagpasok sa trabaho ng lasing. Ang baril na ginamit pa sa pagpatay sa bata ay personal na baril, at hindi ang itinalaga ng PNP, kaya may paglabag pa sa election gun ban. Pero kung may mga dating kaso na pala ang pulis, sana naman ay sinuspende na siya at kinansela ang anumang lisensiya ng baril na hawak pa niya. Kumpirmado na rin na ang balang pumatay kay Gian ay nanggaling sa baril ni Delos Reyes. Nangako naman si Eleazar na bilang na ang araw ni Delos Reyes bilang pulis, at haharap pa sa mga kasong kriminal at administratibo. Naisip ko, kung walang mga testigong nagsalita, tatanggapin na naman ang alibi ni Delos Reyes.

Pinaalalahanan ni Eleazar ang mga pulis na sumunod sa tamang alituntunin at patakaran ng PNP. Hindi puwedeng basta-basta magpaputok ng baril, kahit may hinahabol pang suspect. Hindi puwede ang tinatawag na “warning shot” na kahit sa mga pelikulang Pilipino ay madalas gawin. Kailangan maging maingat sa kapaligiran kapag ginaganap ang trabaho. Pero kayo ang humusga kung nasusunod ba talaga ang mga patakaran at alituntunin na ito sa pang araw-araw. Kung may mga pulis pang katulad ni Delos Reyes, asahan na may matatamaan na naman ng bala mula sa kanilang baril.

GUILLERMO ELEAZAR
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with