Tayo ang nagpapaganda…
K KA LANG? - Korina Sanchez (Pilipino Star Ngayon) - April 29, 2019 - 12:00am

GANUN pala. Mga dalubhasa natin ang naglagay ng semilla ng mga taklobo ilang dekadang nakaraan para palakihin at pagandahin ang bahura sa Panatag Shoal. Nakaimbento pala ng proseso si Dr. Ed Gomez para magpalaki ng taklobo, kaya tinanim ang mga semilla roon, hindi para mahango balang araw kundi para pagandahin ang bahura. Pero tulad ng lahat ng ginagawa ng China, walang pakialam basta’t makabenta. Tayo pala ang nagpapaganda, sila naman ang sumisira.

Ang mga taklobo ay hinuhukay mula sa sahig ng Panatag. Dahil sa paghuhukay o pagsipsip ng buhangin at lumitaw ang mga taklobo, lumalabo ang tubig, na inaa-lisan naman ng mga isda. Kaya apektado naman ang mga mangingisdang nagtutungo ng Panatag. Nabawasan nang husto ang kanilang huli, kumpara noong araw bago pinaghuhukay ng mga barkong pangisda ng China ang lugar. Kuhang-kuha sa video ang tinambak na mga taklobo, na wala nang mga laman, kumpleto pa ng iba’t ibang kulay na marka sa ilalim ng dagat. Ayon sa mga mangi­ngisda, iniipon daw ang mga taklobo at binabalikan na lang kapag marami na ang nahukay. Ganyan sila walang takot na puwedeng mag-iwan lang ng mga nahango na sa karagatan.

Wala silang pakialam sa laman ng taklobo. Hindi nila kinakain. Kaya kung sinasabi na pagkain lang ito, mali. Ang habol lang ay ang matigas na bahagi ng kanilang katawan, na pumalit na sa garing (ivory) sa merkado. Humigpit na nang husto ang paghango ng ivory mula sa mga elepante, kaya ito naman ngayon ang pinagkikitaan. Mahal umano ang mga shell ng taklobo sa merkado.

Kinondena raw ng China at Pilipinas ang paghango ng mga taklobo sa karagatan. E paano pala sila nakatungo ng Panatag Shoal, mula sa malayo nilang dalampasigan, at hindi naman pi-nigilan ng kanilang coast guard? Ang pahayag na iyan ay para na lang sa mga nagpupuna na nang husto ng isyu sa karagatan. Hindi ako naniniwalang hindi alam ng gobyerno ng China ang nagaganap doon, kung hindi naman umaalis ang kanilang coast guard. Sinong niloloko nila? Baka sinasabi na lang iyan dahil nandoon si President Duterte sa China ngayon, at malapit na ang eleksiyon. Kung magpapadala ba tayo ng mga barko para bantayan ang Panatag Shoal at matigil na ang paghango ng taklobo ay papayag lang ang China? Kung ang mga maliliit na barkong pangisda ay tinataboy, paano pa ang mga malalaki? Baka tapatan ng mas malala-king barko pa ng kanilang coast guard, na halos mga barkong pandigma na ang laki. Talagang ka­pag gusto ng China, wa­lang pakialam sa lahat.

PANATAG SHOAL
Philstar
  • Latest
Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with