Estudyante sa umaga, holdaper sa gabi

IKAW AT ANG BATAS - Jose C. Sison (Pilipino Star Ngayon) - April 28, 2019 - 12:00am

(Unang bahagi)

TATANGGAPIN ba bilang ebidensiya ng korte ang tinatawag na “extra-judicial confession” para patunayan na walang pag-aalinlangan na ginawa ng akusado ang krimen lalo at kusa naman niya itong inamin? Kung pagka­tapos nito ay bawiin niya ang kanyang sinabi, magiging walang silbi na kaya at hindi na ituturing na ebidensiya ang nauna niyang pahayag? Ito ang mga isyung sasagutin sa kaso ni Ton, isang 18-anyos na third year high school student na mahaba ang buhok at mukhang sanggano. 

Base sa kanyang inamin, ang kasong ito ay nangyari isang hapon nang sunduin si Ton ng kababata niyang si Temyong at isama sa bahay nito. Dinatnan nila roon na umiinom ang tatay ni Temyong kasama ang isang lalaki. Binigyan daw siya ng tatay ni Temyong ng alak para inumin. Bandang alas diyes ng gabi ay umalis na ang dalawa at sumakay ng jeep. Sa harap nakaupo si Ton katabi ng driver. Samantalang sa loob naman nakaupo si Mang Teban katabi ng pasaherong si Philip, isang 32-anyos na empleyado sa isang sikat na hotel na pabalik noon sa trabaho. Sa may bandang dulo naman nakaupo si Temyong katabi ng magkapatid na Eva at Clarice.

Pagliko raw sa kanto ng jeep ay nagdeklara ng holdap­ sina Ton at Temyong sa driver pati sa mga sakay na pasahero. Kinuha raw nila lahat ng pera at alahas. Pagka­tapos ay nakita ni Ton na pinababa ni Temyong sina Eva at Clarice sa may boulevard bago nito inutusan ang driver na magmaneho papunta sa airport. Matapos ang panghoholdap ay iniwan nila malapit sa bahay ni Ton ang jeep. Binigyan ni Temyong sina Ton ng isang relo at isang sing­sing na pambabae bilang parte niya sa kanilang ninakaw.

Iba naman ang kuwento ni Philip. Ang sabi niya ay inumang ni Ton sa kanyang leeg ang isang kutsilyo sabay sigaw na holdap iyon at huwag silang gagalaw. Kinuha raw ni Ton ang mga pera at inutusan si Mang Teban na patayin ang ilaw ng jeep. Tinakpan daw nina Ton at Temyong ng tela ang kanilang mga mukha sabay inutos sa dalawang babae na ilabas nila ang pera at huwag magtangkang humingi ng saklolo kung hindi ay papatayin sila. Sumunod ang dalawang babae at ibinigay ang lahat ng kanilang hawak na pera.

Nang umabot ang jeep sa kalsadang malapit sa isang restaurant ay biglang lumundag si Eva. Tinangka nitong humingi ng saklolo sa asawang nagkataon ay nagtatrabaho bilang waiter doon. Napasigaw si Clarice at siya naman ang tinadyakan ni Temyong. Bumagsak mula sa jeep ang pobreng babae. Dinala agad sa ospital si Eva pero kalaunan ay namatay din dahil sa tinamong sugat sa iba’t ibang parte ng kanyang katawan. Dinala rin sa ibang ospital si Clarice pero hindi malinaw mula sa mga rekord kung nabuhay siya o hindi.

Pagkatapos daw ng nangyari ay inutusan ni Temyong ang driver na pasibarin ang jeep dahil napansin ang isang kotseng nakabuntot sa kanila na inakala nito ay mga pulis. Sa isang walang taong lugar malapit sa airport ay bumaba at pumasok sa isang eskinita sina Ton at Temyong matapos limasin ang pera nina Philip. Agad na pumunta sa mga pulis ang mga biktima para makapagreklamo. Sa presinto ay pinakita sa kanila ng mga pulis ang litrato ni Temyong na kanilang namukhaan.  Nang dumating ang mga pulis para arestuhin si Temyong ay nakapuslit ang lalaki pero bandang huli ay napatay din habang gumagawa ng krimen sa ibang lugar.

Nang sumunod na umaga naman ay inaresto si Ton sa harap mismo ng kanyang eskuwelahan nang papasok ang lalaki. Nagbigay siya ng salaysay sa pulis na si Patrick Reyes at sinumpaan ito sa harap ng municipal judge. Kalaunan ay kinasuhan si Ton sa piskalya para sa krimen ng robbery with homicide.

(Itutuloy)

JOSE C. SISON
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with