EDITORYAL - Basura ng Canada ibalik na!
(Pilipino Star Ngayon) - April 26, 2019 - 12:00am

NGAYON na lang uli napag-usapan ang basura ng Canada. Biglang naalala ni President Duterte ang tungkol sa basura nang dumalaw sa Pampanga noong Miyerkules para alamin ang pinsala ng lindol sa Porac. Sabi ng Presidente, magdedeklara siya ng giyera sa Canada dahil sa basurang dinala nila sa bansa pitong taon na ang nakararaan. Sa galit ng Presidente nasabi niya sa Canada na huwag gawing basurahan ang Pilipinas. Naasar na si Duterte sapagkat walang aksiyon na ginagawa si Canadian Prime Minister Justin Trudeau ukol sa basura.

Noong Nobyembre 2017, nag-usap na sina Duterte at Trudeau tungkol sa basura. Nagpahayag ang Canadian leader na aaksiyunan na ang problema sa basurang umaabot sa mahigit 100 containers. Pero lumipas ang mahigit dalawang taon mula nang mag-usap ang dalawa, wala pa ring aksiyon si Trudeau.

Dumating sa bansa ang Canadian trash noong 2013 at 2014. Pawang household at hospital wastes ang laman ng containers. Dalawampu sa containers­ ng basura ay itinapon sa Tarlac noong Mayo 2015 samantalang ang karamihan ay nana­natili at nabubulok na sa Port of Manila at Subic.

Nang tanungin si Trudeau noon ng mga reporter kung ibabalik na sa kanilang bansa ang sariling basura, wala itong malinaw na sinabi. Meron na raw solusyon na dinidebelop sa problema pero hindi naman sinabi kung ano iyon.

Ang hinihintay na sabihin ni Trudeau noon ay ipag-uutos niya ang agarang pagbabalik ng basura sa kanilang bansa. Pero hindi ganun ang nangyari. Kaya walang nakuhang pag-asa sa kanya ang mamamayang Pilipino.

Nararapat ibalik sa Canada ang mga basura sapagkat nakasaad sa Basel Convention na anumang hazardous wastes na dumating sa bansa ay dapat ibalik sa pinanggalingang bansa. May karapatang tanggihan ng Pilipinas ang basura. Alam ng Canada ang batas dahil isa sila sa mga pumirma sa international treaty noong 1992.

Ngayong nagpakita na ng galit si Duterte, dapat nang ibalik ang basura. Dapat lang na huwag gawing basurahan ang bansa. Ibalik ang basura sa Canada!

CANADA GARBAGE
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with