May pekeng balita pa rin?
K KA LANG? - Korina Sanchez (Pilipino Star Ngayon) - April 26, 2019 - 12:00am

PATI ba naman sa ganitong sitwasyon ay may nagka­kalat pa rin ng pekeng balita o impormasyon? Hindi inako ng Phivolcs ang babala na magkakaroon ng 7.1 na lindol sa Metro Manila, dahil sa 100 kilometrong fault line. Walang inilabas na mensahe ang Phivolcs, at wala ring batayan ang sinasabing lindol. Wala pang teknolohiya sa buong mundo na makapagsasabi kung kailan at saan magaganap ang susunod na lindol.

Napakasama naman ng nagpasimuno nito, pati na rin mga nagkalat na hindi kinumpirma kung totoo. Si­yempre sa social media kumalat nang husto ang balita. Dapat nalalaman kaagad ng mga awtoridad kung sino ang nagkakalat ng pekeng balita. Kung kaya nilang manmanan ang mga email ng mga mamamahayag at abogado, mas kaya dapat alamin ang mga ito.

Ito totoo. Ang Samar naman ang tinamaan ng 6.5 na lindol noong Martes ng hapon. Walang naitalang danyos o kung may nasawi. Umabot na sa 11 ang kumpirmadong namatay sa Pampanga. Wala ring naulat na danyos sa Cebu, pero patuloy ang pag-inspeksyon sa lahat ng imprastraktura.

Sa UN Ave., Manila, isang school building ang tumagilid at sumandal sa katabing gusali dahil sa paglambot ng lupa na kinatatayuan nito. Ilang opisyal ng DPWH ang tumingin sa gusali, at ang abiso ay huwag nang gamitin. Liquefaction o ang paglambot o pagluwag ng pundasyon ng kinatatayuan ng gusali dahil sa lindol. Maaaring ito ang dahilan, pero bakit isang gusali lang? Hindi ba dapat pati mga katabing gusali ay lumambot din ang pundasyon?

Sa Pampanga naman, inaalam kung may pagkukulang ang disenyo, o ginamitan ng mababang kalidad na materyales sa paggawa ng Chuzon Supermarket na gumuho sa Porac. Lima ang kumpirmadong namatay dito. Ipinatigil na rin ni President Duterte ang operasyon ng lahat ng Chuzon Supermarket, matapos mapag-alaman na may bitak din ang branch nito sa Apalit.

Mananagot ang sinumang nagkulang sa pagtayo ng mga gusali, pati na rin ang lokal na awtoridad kung binigyan ng pahintulot magtayo ng gusali gamit ang substandard na materyales. Kung madiskubreng may pagkukulang at ginamitan ng mababang kalidad na materyales, kasong kriminal na iyan dahil may mga namatay dahil dito. Kailangan talaga ng kalamidad para mahuli ang mga pagkukulang, maging bagyo o lindol.

EARTHQUAKE PHIVOLCS
Philstar
  • Latest
Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with