EDITORYAL - Maging alerto sa mga terorista
(Pilipino Star Ngayon) - April 23, 2019 - 12:00am

UMABOT na sa 200 ang namatay at 400 ang nasugatan sa sunud-sunod na suicide bombings­ sa Sri Lanka noong Easter Sunday. Tatlong simba­han at apat na hotel ang pinasok ng suicide bombers­. Kasalukuyang nagmimisa sa mga simbahan sa Colombo nang magsagawa ng suicide bombing. Sa lakas ng pagsabog sa St. Anthony Shrine sa Colombo, nawasak ang bubong ng simbahan. Makalipas ang ilang segundo, isang pagsabog ang naganap sa St. Sebastian sa Negombo. Kabilang sa mga namatay ay dayuhan, kabilang ang Americans, Japanese, Chinese at British. Hindi pa matiyak ang mga nasa likod ng bombings.

Ang nangyari sa Sri Lanka ay maaaring mangyari sa bansa. Katunayan, marami nang nangyaring pambobomba sa bansa. Noong nakaraang Enero 31, dalawang magkasunod na pambobomba ang naganap sa Jolo Cathedral kung saan 21 katao ang namatay at 100 ang nasugatan. Mag-asawang suicide bombers daw ang pumasok sa simbahan at pinasabog ang sarili. Maski si President Duterte ay naniniwalang suicide bombers ang may kagagawan.

Ang nangyaring pambobomba na ikinamatay ng mga nagsisimba ay nagdulot ng pag-aalinlangan sa kakayahan ng Armed Forces at Philippine National Police. Paano nakalusot ang suicide bombers gayung may martial law sa Mindanao. Saan nila ginagamit ang pondo na nakalaan para sa intelligence?  Malaking katanungan ang Jolo Cathedral bombing na hanggang ngayon ay wala pa ring kasagutan. Kamakailan, kinumpirma sa DNA test na mga foreign nationals ang sinasabing mag-asawang suicide bombers.

Palawakin ng AFP at PNP ang intelligence networking kasunod nang nangyari sa Sri Lanka. Hindi na dapat maulit ang nangyari sa Jolo Cathedral. Nagkaroon na rin ng pambobomba sa LRT-Blumentritt Station noong 2000 at noong Valentine bombing sa Ayala, Makati na marami ang namatay. Maging alerto­ naman ang mamamayan sa mga kahina-hinalang tao. Maging mapangmatyag ang lahat ngayon.

SUICIDE BOMBERS­ TOURIST
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with