Droga lumalala, pulis gumagaling
SAPOL - Jarius Bondoc (Pilipino Star Ngayon) - April 23, 2019 - 12:00am

PAREHONG tama sina President Rodrigo Duterte at Phi­lippine Drug Enforcement Agency director general Aaron Aquino. Anang huli, gumagaling ang mga pulis sa pagtiklo ng drug lords at mga galamay na pushers. Ganunpaman, anang una, dumaragsa pa rin ang droga sa kapuluan na animo’y walang pagkaubos.

Nitong mga nakaraang linggo, sunud-sunod ang pagsabat ng PDEA at Philippine National Police sa bultu-bultong shabu. Natutunton nila ang hideouts ng mga sindikato -- mga inupahang mansiyon sa mamahaling subdivisions at suites sa hotels. Nabibisto rin ang deliveries ng kilo-kilong puting pulbos (methamphetamine hydrochloride). Patunay ‘yon ng talas at tapang ng intelligence at operations. Kapos pa rin sa tauhan at kagamitan ang PDEA: nasa 25 lang ang field agents sa bawat rehiyon, na nagkakasya na sa tulong ng ibang bansa. Pero ang mga kakulangang ‘yun ay napupunuan ng sigasig ng bawat isa. Mga chemist, accountants, abogado, criminologists, doktor, at enhinyero sila, na pinag-iisa ang galing para matalo ang mayayamang sindikato.

Pero napakalaki pa rin ng merkado ng droga sa Pilipinas. Tinatayang pitong milyon ang mga adik, at kalahati sa kanila ay talamak ang pagkakalulong. Paborito nila ang shabu, na ibinabagsak shipside -- sa gilid ng barko -- sa mga libu-libong liblib na isla. Nanggagaling ito sa Golden Triangle, sa tri-borders ng Thailand, Laos, at Myanmar. Samantala, patuloy ang pagpapaanod sa eastern seaboard, mga pampang sa Dagat Pasipiko, ng kilo-kilo ring cocaine. Ito nama’y nagmumula sa Sinaloa drug cartel ng Mexico.

Kailangang paliitin ang merkado ng droga. Rehabilitasyon ang paraan para mabawasan ang dami ng adik. Tungkulin ‘yan hindi ng pulis kundi mga ahensiyang pambansa at lokal sa kalusugan.

* * *

Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).

AARON AQUINO RODRIGO DUTERTE
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with