Nakahahawa ang bulutong tubig
DOC WILLIE - Dr. Willie T. Ong (Pilipino Star Ngayon) - April 18, 2019 - 12:00am

ANG bulutong tubig (chickenpox) ay sakit ng kabataan. Ito ay nanggagaling sa varicella-zoster virus.

Madaling malaman kung ang pasyente ay may bulutong tubig. Nag-uumpisa itong parang trangkaso na may lagnat, ubo at sakit ng ulo. Pagkatapos ay may mga kakaibang butlig na maglalabasan sa mukha, ulo, dibdib at likod ng pasyente.

Nag-uumpisa ang mga pantal na parang mga tagi­hawat. Pagkatapos ay lalaki ito na parang blister at magkakaroon ng likido sa loob. Pagkaraan ng ilang araw ay matutuyo na ang blister at mag-lalangib ito.

Nakahahawa ang bulutong tubig mula 2 araw bago lumabas ang mga pantal, hanggang sa mag-langib na ang lahat ng pantal. Sa panahong ito ay dapat hindi muna pumasok sa trabaho o eskwelahan ang pasyente. Na­ipapasa ang virus sa iba sa pamamagitan ng pag-ubo at pagbahin.

Gamot sa bulutong tubig:

1. Magpatingin sa doktor kapag naging mapula at masakit ang mga pantal dahil posible itong nagka-impek­syon.

2. Kapag ang pasyente ay may edad na, puwedeng bigyan ng doktor ng gamot (tulad ng Acyclovir) na magpapabilis sa paggaling. Kailangan lang maumpisahan agad ang gamot sa loob ng 24-48 oras pagkalabas ng pantal.

3. Kapag mahapdi ang pantal, puwedeng uminom ng mga pain relievers tulad ng paracetamol tablet. Bawal ang aspirin sa mga batang edad 16 pababa.

4. Maghanda ng isang litrong tubig at lagyan ng 1 kutsaritang asin. Ibuhos ang solusyon na ito sa lugar ng butlig. Pagkatapos ay dampi-dampian ang mga pantal para matuyo.

5. Huwag putukin o kamutin ang mga butlig at baka ito magkaroon ng impeksiyon. Puwedeng pahiran ng Calamine lotion ang mga butlig kung makati.

Bakuna sa bulutong tubig:

Para makaiwas sa kumplikasyon ng bulutong tubig, dapat pabakunahan ang lahat ng bata laban dito. Ang unang bakuna ay binibigay ng edad 12-15 buwan ang bata, at ang pangalawang bakuna ay sa edad 4-6 taong gulang. Ang mga batang higit sa 7 taon na hindi napabakunahan ay puwede pang humabol sa bakuna para sa bulutong tubig. Magtanong sa inyong doktor.

Tandaan lamang na kahit nabakunahan na ang bata ay posible pa rin siyang magkaroon nito. Pero may tulong ang bakuna dahil mas makalalaban na ang kanyang katawan kontra sa virus at madali siyang gagaling.

BULUTONG TUBIG
Philstar
  • Latest
Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with