Scarborough maaring bawiin; protektado tayo ng America
SAPOL - Jarius Bondoc (Pilipino Star Ngayon) - April 5, 2019 - 12:00am

MATAPANG at malinaw ang pangakong tulong ng America kontra sinumang lulupig sa Pilipinas. Hindi man binanggit ang China, ‘yun ang tinutukoy dahil sa armadong pambubulabog nito sa ere at dagat sa mga sundalo at mangingisdang Pilipino. “Dahil bahagi ng Dagat Pacifico ang South China Sea, anumang pag-atake sa tropa o sasakyan ng Pilipinas ay magbubunsod ng proteksiyon sa ilalim ng ating Mutual Defense Treaty,” ani U.S. State Sec. Mike Pompeo. Hindi ‘yon hiningi o inasahan nina President Rody Duterte at Foreign Sec. Teddy Locsin.

Sa depensa ng America, lumakas sana ang loob ng mga pinunong Pilipino na payapang bawiin ang Scarborough Shoal sa China. Legal na teritoryo ng Pilipinas ang bato’t bahurang 120 milya mula Luzon at 600 milya mula Hainan. Ilegal itong inagaw ng China nu’ng 2012 nang sitahin ng patrolyang Pilipino ang mapanirang pangingisda ng Chinese.

Dokumentado ang pag-aari ng Pilipinas sa Scarbo­rough. Tulad ng Corregidor, markadong “punto de mandato” o tanod sa mga mapa nung rehimeng Kastila, 1700-1800. Kasama ito sa mga isla na isinalin ng Spain sa America sa Treaties of Paris, 1898, at Washington, 1900. Kontrolado ito ng Pilipinas nu’ng Panahon ng Amerikano. Pati mga shipwreck doon ay mula at sa Maynila sinasalba at nililitis -- hanggang umabot sa US Supreme Court.

Nu’ng Philippine Commonwealth kinumpirma ng US Secretaries of War, of the Navy, at of Commerce na sa Pilipinas nga ang Scarborough. Nagpatuloy ang soberenya ng Pilipinas sa teritoryo sa ilalim ng Republika. Nagdaos doon ng joint PH-U.S. military exercises, na Maynila ang nagbabala sa mga dumadaang dayuhang sasakyan.

Imbento lang ang claim ng China sa Scarborough. Kesyo­ minanmanan daw ito ng isang Chinese explorer mula sa mga tore sa mainland daan-daang milya ang layo. Kesyo nagtayo raw ito ng tore sa mga batuhan sa shoal -- na imposible dahil lubog ito sa high tide.

SOUTH CHINA SEA
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with