Dedo ang karibal
IKAW AT ANG BATAS - Atty. Jose C. Sison (Pilipino Star Ngayon) - April 2, 2019 - 12:00am

(Unang  bahagi)

IPINALILIWANAG sa kasong ito ang epekto ng pagkakaroon ng ibang kaso o ang pagkakakulong sa parehong krimen pati na ang tungkol sa patraydor na paraan sa pagpatay na nakabibigat sa krimen kaya mula homicide ay magiging murder ang hatol. Ipaliliwanag din ang epekto kung walang ebidensiya ng powder burns sa kamay ng suspek na nagpaputok ng baril kahit pa sumailalim na siya sa paraffin test at ang dahilan kung bakit hindi nagagamit ang alibi bilang depensa.

Ang kasong ito ay tungkol kay Jerome na may anim na buwan na sa panliligaw sa kapitbahay niyang si Mitch. Iyon nga lang ay binasted siya ng babae dahil mas gusto nito ang iba, si Nathan na karibal niya sa panliligaw. Kahit­ basted na ay patuloy pa rin si Jerome sa pangungulit kay Mitch at sumunod pa sa dalaga hanggang sa probinsiya nito. Nang bumalik sa Manila si Mitch ay dumalaw pa rin si Jerome at nagkunwaring makikipanood lang ng tv. Pinagsabihan na siya ni Mitch na itigil na ang panliligaw. Nagalit si Jerome at nagbantang papatayin siya kapag nagpakasal sila ng lalaki.

Isang gabi, bandang alas-siyete ay nasa bahay si Mitch at kausap si Nathan sa balkonahe. Napansin niya si Jerome na palakad-lakad sa kalsada. Kinausap niya si Nathan para pumasok na lang sila sa sala at doon mag-usap. Biglang pumasok sa pintuan ng bahay si Jerome at habang nakaluhod ay binaril si Nathan. Namatay ang pobreng lalaki sa bisig ng kanyang kasintahan. Nakilala naman ni Mitch si Jerome pero dahil sa tindi ng pagkabigla ay hindi siya nakapagsumbong agad sa mga pulis.

Matapos mag-ulat ang barangay captain sa mga pulis at makapagsiyasat ang mga ito ay saka lamang inamin ni Mitch na si Jerome ang gunman. Agad na hinuli ng mga pulis si Jerome at dinala sa presinto para matanong. Gumawa rin ng paraffin test pero negative ang naging resulta.

Sa kabila nito, matapos ang paunang imbestigasyon ay nagsampa ng reklamo kay Jerome para sa pagpatay niya kay Nathan. Si Mitch ang tumestigo para sa prosekusyon at detalyadong isinalaysay ang nangyari pati kinilala si Jerome bilang salarin. Tumestigo rin ang medico legal para patunayan na binaril si Nathan ng malapitan sa may bandang ilalim ng kanyang kaliwang kili-kili.

Todo-tanggi naman si Jerome sa ginawang pagpatay at ang palusot ay magkasama sila sa taniman ng tabako ng kanyang ama mula alas tres ng hapon hanggang hating­gabi bago sila umuwi at natulog sa bahay. Ang kanyang ama at isang tao pa ang nagpatotoo sa kanyang istorya. Hindi naman kumbinsido ang korte sa kanyang alibi at hinatulan siya sa murder. Pinarusahan siya ng pagka­kulong mula 14 na taon, 8 buwan at isang araw hanggang 18 taon, 8 buwan at isang araw pati pinagbabayad ng danyos sa mga naulila ni Nathan. (Itutuloy)

CRIME HOMICIDE
Philstar
  • Latest
Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with