Sino ang makabayan?
K KA LANG? - Korina Sanchez (Pilipino Star Ngayon) - March 26, 2019 - 12:00am

MGA dating opisyal pa ang naglakas-loob para magsampa ng kaso laban kay Chinese President Xi Jinping sa International Criminal Court (ICC), para sa “crimes against humanity” hinggil sa danyos na idinulot sa ating mga mangingisda, dulot ng agresibong paglikha ng mga artipisyal na isla na nakasira rin nang husto sa kalikasan ng karagatan. Sina dating DFA Sec. Albert del Rosario at dating Ombudsman Conchita Carpio Morales ang nagsampa ng kaso sa ngalan ng mga Pilipino at libong mangingisda na hindi na makapangisda nang maayos dahil sa pagtataboy at paninindak ng China.

Hindi nakapagtataka kung ano ang naging reaksiyon ng administrasyon. Natural, minaliit ang kaso na walang batayan at hindi magtatagumpay. Ilang senador din ang minaliit ang kilos. Siguro ay nanggigigil si President Duterte sa dalawa, dahil lumalapit siya nang husto sa China para sa lahat – pera, proyekto, armas. Bibisita nga na naman sa China, pang-apat sa loob ng tatlong taon. Ang mga sumuporta naman sa ginawa nina Del Rosario at Morales ay mga kilalang oposisyon o kritiko ng administrasyon. Sino ang makabayan?

Hinikayat ni Sen. Panfilo Lacson na suportahan ang ginawa nina Del Rosario at Morales, dahil kung sakaling manalo ay mapapalakas ang posisyon ng Pilipinas sa pag-aangkin sa mga teritoryong pilit kinuha na ng China. Mabibigyan din ng pansin ang mga “masamang kaugalian” ng China sa karagatan. Sa totoo lang, dapat matagal nang ginawa ito, pero dahil iba ang direksiyon ng administrasyon, walang naglakas-loob na sabihan ang China na mali ang kanilang ginagawa. Pinuri pa nga nang husto ni DFA Sec. Locsin si Xi Jinping sa kanyang pagdalaw sa China kailan lang.

Matagal na ring nahihirapan ang mga mangingisda natin na maghanapbuhay, dahil kontrolado ng mga barko ng China ang Panatag Shoal. Hindi sila makapasok sa lagoon kung saan maraming isda. Dahil marami silang mangingisda sa labas ng lagoon, pinag-aagawan na lang nila ang anumang mahuli. May pangamba na dahil sa ginawang pagsampa ng kaso sa ICC ay baka mas lalong pag-initan ang mga mangingisda. Bawian, ika nga. Kung ganun ang gagawin ng China, patutunayan lang nila sa buong mundo ang kanilang pang-aapi at pambu-bully sa ating mga mangingisda. Iyan ang krimen.

INTERNATIONAL CRIMINAL COURT XI JINPING
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with