Tepok si misis
IKAW AT ANG BATAS - Atty. Jose C. Sison (Pilipino Star Ngayon) - March 26, 2019 - 12:00am

(Unang bahagi)

SA pagkilala sa akusado bilang salarin sa krimen, hindi laging kailangan ang direktang ebidensiya o ng testimonya ng isang eyewitness na nakasaksi sa pangyayari. Puwedeng hindi nakita ng testigo ang  mismong akto ng pagpatay o paggawa ng krimen ng akusado pero maituturo niya ang kriminal base sa tinatawag na circumstantial evidence. Inilalahad ng kaso natin ngayon ang mga kailangan para magamit ang circumstantial evidence sa pagpapakulong sa akusado. Pinapaliwanag din sa kaso ang tungkol sa treachery o ang pataksil na paggawa ng pagpatay kung kaya homicide at hindi murder ang nagiging hatol.

Ang kasong ito ay tungkol sa mag-asawang Robert at    Amor. May dalawang anak sila, sina Doti at Rod. Nakatira sila sa isang liblib na barangay at dumadaan pa sa dalawang metrong putikan na natatamnan ng hanggang balikat na halamang ramie sa magkabila ng kanilang nilalakaran bago sila makarating sa bayan kung saan naroon ang simbahan. Isa sa kanilang kapitbahay sa loob ng may dalawampung taon ay si Gaspar na ang pamilya ay nakatira sa isa sa mga bahay na dinaraanan nila sa tuwing magsisimba. Hindi magkasundo ang dalawang pamilya. Pinaghihinalaan ni Gaspar na may kinalaman si Robert sa pagkakapatay ng mga NPA sa kanyang kapatid na si Teddy. Nag-away na rin at nagpalitan ng maaanghang na salita ang nanay ni Gaspar na si Linda at si Amor.

Bisperas ng Bagong Taon, bandang alas nuwebe ng gabi ay naglalakad sina Robert, Amor at ang kanilang dalawang anak patungo sa simbahan. Matapos makadaan sa bahay ni Gaspar ay naglakad na sila sa maputik na daang-tao. May dalawampung metro ang layo ni Robert sa kanilang mga anak at si Amor naman ay may apat na metro ang layo sa kanyang likuran. Kahit maliwanag ang buwan ay nagdala pa rin ng sulo si Amor para mailawan ang kanyang daraanan. Biglang uma-lingawngaw ang putok ng baril mula sa gawing likod. Paglingon ni Robert ay nakita niyang nakahandusay sa lupa si Amor at hawak pa ang nakasinding sulo. Mula sa liwanag ng dilaw na buwan at ng apoy ng sulo ay nakita niyang palapit si Gaspar mula sa kung nasaan si Amor. Isang lalaki pa ang lumabas mula sa mga halaman, nakasumbrero ang lalaki at lumapit kay Robert mula sa kanan. Mula sa distansiyang may kalahating metro sa harap at bandang kanan ni Robert ay  inumang ni Gaspar ang baril at dalawang beses siyang pinaulanan ng bala. Ang unang bala ay tumama sa likod ng kanang palad ni Robert at ang pangalawang bala ay dumaplis sa kanyang dibdib. Bumunot din ang pangalawang lalaki ng baril at pinatamaan si Robert pero suwerteng nagloko ang baril at hindi pumutok.

Nakatakas si Robert at nakatakbo patungo sa kanyang mga anak. Sinabi niya sa mga anak ang tungkol sa pagkakabaril sa kanilang ina at ang hinala niya na patay na ang babae. Sama-sama silang pumunta sa istasyon ng pulis at agad na isinuplong ni Robert ang nangyari. Sinulat ng mga pulis sa blotter ang tungkol sa insidente pagkatapos ay dinala si Robert sa ospital para magamot. Bumalik si Doti sa presinto at tinawagan si Rod para sagutin ang mga tanong ng mga pulis tungkol sa nalalaman niya sa ama. Isang grupo ng mga pulis ang pumunta sa lugar na pinangyarihan ng krimen at nakuha nila roon ang bangkay ni Amor. Wala na itong buhay at nakatagilid, sunog ang mukha, leeg, dibdib at damit.  (Itutuloy)

CRIME EYEWITNESS
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with