Wala nang gana sa pagsasaka
SAPOL - Jarius Bondoc (Pilipino Star Ngayon) - March 22, 2019 - 12:00am

ANG karaniwang edad ng ating mga magsasaka ay 56. Karamihan sa kanila ay paretiro na sa edad-60-65. Halos walang batang pumapalit sa mga nawawala. Wala nang gana ang Pilipino sa pagsasaka.

Ang sektor ng agrikultura ay bumagsak nang 0.45% nu’ng 2018. Bago ‘yun, sunud-sunod na taon na umunlad nang katiting na 1%. Ibig sabihin nito ay hindi umangat ang kita ng magsasaka. Nagmahal ang gasolina para sa irrigation pumps, pasahe para sa ani, buwis sa patubig, presyo ng pataba, patuka sa manok, at iba pang gastusin nila. Pero hindi lumago ang kita. Palugi pa nga. Kaya nakakawalang-ganang magsaka.

Bakit nagkakagan’un? Isang rason ay kahinaan ng pamu­nuan ng Department  of Agriculture. Kung sinu-sinong nag­lilibang lang magtanim sa bakuran ang hinihirang na Kalihim. Kung amateur ang pinuno, hindi siya susunurin ng mga may masters o doctorate na burokratiko, at paiikutan siya ng mga kawatan. Pinaka-maraming loko sa Bureau of Plant Industry na protektor ng kartel sa sibuyas, bawang, luya, at gulay. Ganundin sa Bureau of Animal Industry na maluwag magpaangkat ng manok, baboy, at isda kontra sa interes ng lokal na magmamanok, magbababoy, at mangingisda. Isa pa sa National Food Authority na nag-aangkat ng overpriced na bigas mula sa Vietnam at Thailand na kabisado ang “kalakaran” nila.

Nu’ng 2018 napilitan ang mga nagtanim ng kamatis sa Laguna na itapon na lang ang labis-labis na ani dahil sob­rang­ barat ng pagbili sa kanila ng mamamakyaw. Naghirap ang mga mangingisda sa Malabon-Navotas dahil sa dagsa ng imported na galunggong mula China. Nitong Enero­ 2019 ganundin ang nangyari sa mga maggugulay sa Benguet at magmemelon sa Pampanga. At nu’ng Pebrero hindi ma­ibenta ng mga magmamanok sa Bulacan ang mga pata­bain dahil sa sobrang import. Nanganib din ang mga piggery dahil sa pumasok na karneng baboy mula Europe na may African swine flu. Nadadala tuloy sila.

PHILIPPINE AGRICULTURE
  • Latest
Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with