Malabong housing sa Malabon City
AKSYON NGAYON - Al G. Pedroche (Pilipino Star Ngayon) - March 21, 2019 - 12:00am

KAWAWA naman ang mga dahop nating kababayan sa Malabon. Wala na ngang disenteng matirhan, ginigiba pa ang mga tahanan. Ang Malabon ay isa sa may pinaka­ma­taas na bilang ng mahihirap na karamihan ay mga informal settlers. Ngunit “iskwater” mang naturingan, ang demolis­yon na walang utos ng Korte ay ilegal. 

Karumaldumal ang harassment at demolisyon na walang court order noong 2017 sa CMF Upper Calltmon­, Malabon. Galit ang mga taga-Catmon. Sila ang nag­develop sa lugar na dating tambakan at ang sukli ng ka­ni­lang paghihirap ay apihin at palayasin. Ngunit dedma lang ang mga local officials sa maraming problemang ito sa ilalim ng kasalukuyang Mayor ng lungsod. 

Policy ni Pangulong Rodrigo Duterte ang “No reloca­tion, no demolition”. Kaugnay nito, may alituntunin din ang Presidential Commission for the Urban Poor o PCUP sa deklarasyon ng Pangulo - Ilikas muna bago manggiba. Naka­saad sa Annual General Fund Budget ng Malabon simula 2017 na P23.1 milyon at 2018 na nasa P23.5 mil­yon. Sa pamamagitan nito ay binuo ang Community and Urban Poor Affairs Office (CUPAO) na mayroong mandato kuno na umasiste at tumulong sa paglutas ng pro­blema ng mga dahop na pamilya. Tanong - nasaan na ang mandato ng lungsod na pangunahan at i-monitor ang imple­mentasyon ng programa ng lokal na pamahalaan para sa urban poor, gender and community development? 

Kapansin-pansin na walang pondong inilaan sa pabahay para sa in-city relocation ng mahihirap sa Malabon bagamat May malaking badyet. Nasaan na ang CUPAO na itinalaga para sa mga reklamo at daing ng mga mama­mayan? Bakit hindi ipinaglaban ni Mayor Lenlen ang usaping­ ito sa loob ng anim na taon ng kanyang termino? 

Salamat dahil may masasandalan ang mga taga-Ma­labon sa Kongreso. Nagkaroon ng batas ukol sa National Commission for the Urban Poor (NCUP) na may mithiing iangat ang kalagayan ng mga mahihirap na mamamayan gaya ng pagbibigay ng sapat at disenteng pabahay at serbisyo. 

Mandato ng NCUP na bumuo ng komprehensibong programa sa resettlement at relokasyon ng mga mahihirap upang matiyak ang katuparan ng mga layunin ng Urban Development and Housing Act of 1992 (UDHA), at pagtatatag ng mga bagong programa at aktibidad na magbibigay solusyon sa matagal nang problema ng mga mahihirap sa lungsod. 

Malaking tulong ito para sa mga residente upang hindi na sila mapalayas pa.  Ang paglutas sa kahirapan ay pagtuldok sa karahasan at demolisyon. Mayor Lenlen, kailan mo pa ipaglalaban ang mga mamamayan sa Malabon sa gitna ng kanilang hinaing? Mga Tagalog-Malabon, makinig kayo. Bago kayo maniwala ay sukatin at alamin muna ninyo ang plataporma ng mga kandidatong kakatok sa inyong mga pintuan. Baka kasi kailangang kiskisin para lumabas ang tunay na motibo.

HOUSING INFORMAL SETTLERS
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with