Krisis sa tubig, may nagpabaya ba?
BAHALA SI BITAG - Ben Tulfo (Pilipino Star Ngayon) - March 15, 2019 - 12:00am

NAKAKAIRITANG init at krisis sa tubig. Ito ngayon ang pro­blema sa Metro Manila na posibleng tumindi pa kung hindi maa­agapan. Walo hanggang dose oras na walang suplay ng tubig sa iba’t ibang parte ng Metro Manila. Magkaroon man ng tubig ulit, apat na oras lang tumatagal. Kung patuloy ang kakula­ngan sa suplay ng tubig, mararamdaman ang malaking epekto nito sa komunidad. Dudumi at mangangamoy ang mga palikuran. Pampubliko man o maging sa ating mga tahanan.

Hindi malayong maglipana ang iba’t ibang uri ng sakit dahil dudumi ang ating kapaligiran. May mga eskuwelehang nagbigay na ng suwestyon na suspendihin muna ang klase dahil nangangamoy na ang kanilang mga palikuran. Maging ang ilang mga pagamutan at ospital, nababahala na rin sa kakulangan ng suplay ng tubig. Kampante man ang Department of Health na sapat ang kanilang imbak na tubig sa mga ospital, hanggang kailan tatagal ang kanilang suplay?

Sa lumulobong populasyon ng Metro Manila, natural na bi­bilis­ ang pagkonsumo ng tubig. Lalo’t marami ang pawis ang puhunan sa trabaho, kailangang mapalitan ang tubig sa kani­lang katawan. Kapansin-pansing hindi handa si Juan Dela Cruz sa pagdating ng krisis na ito. Nagulantang ang lahat sa biglaang pag-anunsyo ng kakulangan sa suplay ng tubig sa Metro Manila.

Nagkulang yata ang mga nangangasiwa ng water supply system. Mukhang may tutulug-tulog sa pansitan at humihilik pa kaya umabot sa ganitong sitwasyon. May media, pero bakit hindi ginamit nang husto sa pagbigay-anunsyo?

Ito namang mga pabidang pulitiko, gagamitin pa ang krisis sa tubig para umepal. Gustong imbestigahan ang krisis. In aid of legislation, at siyempre… in aid of media exposure. Magsitigil nga kayo!

Aksyon ang kailangan ng mga mamamayan. Solusyunan kung paano maiibsan ang kakulangan sa tubig na hinaharap ngayon ng ating mga kababayan. Tutal, lumilinis naman na ang tubig sa Manila Bay, puwede sigurong gawing panlinis o pambuhos sa mga trapong pulitiko, este palikuran ang tubig-dagat. Kayo naman mga bossing, tumulong na rin sa pag­resolba sa problema. Hinay-hinay lang sa paggamit ng tubig, ‘wag puro aksaya.

Mahalaga na magkaroon ng pagkakaisa. Baka naman pag naliligo kayo, isang drum ng tubig ang nagagamit n’yo. Mag­tipid sa paggamit ng biyayang tubig.

WATER CRISIS
Philstar
  • Latest
Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with