EDITORYAL - Karagatan, bantayan sa ‘floating cocaine’
(Pilipino Star Ngayon) - February 20, 2019 - 12:00am

BAGONG estilo na ang ginagawa ng drug syndicates ngayon para maipasok ang kanilang produkto sa bansa. Inihahagis na nila sa dagat ang bloke-blokeng cocaine. Nasasagip naman ito ng mga local na mangingisda na inire-report naman sa barangay. Hindi lang malaman kung ang ibang ma­ngingisda na nakakasagip ng cocaine ay ipinagbibigay alam sa barangay o itinatago nila. Kamakalawa, naireport na nag-aalok ang drug lords ng salapi sa sinumang mangingisda o indibidwal na makakasagip ng “floating cocaine”. Malaking pera ang alok ng drug lords. Sabi naman ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), taktika lang daw ang pagpapaanod ng cocaine para maibaling ang atensiyon pero ang totoo, may malaking shipment ng droga na gustong ipasok sa bansa.

Sunud-sunod ang pagkakasagip sa mga “floating­ cocaine” na ang pinakahuli ay isang bloke na natagpuan sa Paracale, Camarines Norte noong Linggo na nagkakahalaga ng P5.4 milyon. Ayon sa PNP, ginagamitan umano ng Global Positioning System (GPS) ang mga bloke ng cocaine kaya natutunton ng sindikato kung nasaan na ang mga ito.

Noong nakaraang linggo, 88 bloke ng cocaine ang nasagip sa karagatan ng Dinagat Islands at Siargao sa Caraga Region. Umaabot sa kalahating bilyong piso ang halaga ng mga nasagip na cocaine.

Hindi lamang cocaine ang ipinaaanod kundi pati shabu na nagmula sa China. Noong nakaraang buwan, 274 kilos ng shabu ang natunton ng PDEA sa isang warehouse sa Tanza, Cavite. Ayon sa PDEA, nakatanggap sila ng tip sa isang confidential informant na may dalawang Chinese nationals na nag-iingat ng shabu sa nasabing lugar. Nagpanggap ang mga agent ng PDEA na poseur-buyer. Pero nakatunog umano ang dalawang Chinese at nakipagbarilan. Napatay ang mga ito. Nang halughugin ang warehouse, nakita ang mga kahon na may lamang shabu. Ayon pa sa PDEA, mamasa-masa pa ang mga plastic na balot ng shabu na halatang bagong hango sa dagat. Umaabot sa 274 kilos ang shabu na may street value na P1.9 bilyon.

Bantayan ang karagatan sa mga lumulutang na illegal drugs. Hindi dapat makalusot ang mga ito. Paigtingin ng Coast Guard ang kanilang pagbabantay. Ireport naman ang mga mangingisdang itinatago ang mga nasasagip na cocaine o shabu. Maa­aring matukso ang mga ito sa alok ng drug lords na babayaran ang mga nasagip na droga.

FLOATING COCAINE
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with