Bakit?
K KA LANG? - Korina Sanchez (Pilipino Star Ngayon) - February 16, 2019 - 12:00am

AGNES Callamard, Christiane Amanpour, Madeleine Albright, US embassy, Canada, iba’t ibang grupo ng ma­mamahayag sa bansa, ilang senador at kongresista na hindi takot magsalita at si Vice President Leni Robredo ang nagpahayag ng pagkadismaya sa pagkakaaresto kay Rappler CEO Maria Ressa Miyerkules ng hapon. Sarado na ang mga korte nang magtungo ang mga taga-NBI sa tanggapan ng Rappler para isilbi ang arrest warrant ni Ressa. Sumama naman ang batikang mamamahayag na pinangalanang “Person of the Year” ng Time magazine. Pero nang subukang magpiyansa – ang kan­yang kaso ay maaaring magpiyansa – tinanggihan ng hukuman ng Pasay. Nanatili si Ressa sa tanggapan ng NBI buong gabi, hanggang sa nakapagpiyansa ng Huwebes ng umaga.

Malinaw na malinaw na sinadya ng mga taga-NBI na puntahan si Ressa ng mga oras kung kailan sarado na ang mga korte. Para nga walang magagawa ang kan­yang mga abogado para makapagpiyansa. Sinampolan, ika nga. Kung ganito ang pagtrato kay Ressa, bakit may suspek na mayor sa pagpatay ng karibal sa pulitiko na hindi naman alas-singko ng hapon hinuli? Nakapagpiyansa na nga para sa patung-patong na mabibigat na krimen. Nakapagpahinga pa nga sa ospital bago nakapagpiyansa. Bakit may mga akusado ng pandarambong na nakapagpiyansa, kahit hindi naman puwede dahil sa bigat ng kaso, na ngayon ay tumatakbo pa sa ilalim ng partido ng anak ng Presidente? Hindi hamak na mas mabibigat ang kaso ng mga iyan. Mga suspek na miyembro ng fraternity na nakapatay dahil sa hazing ay ganyan din ba hinuhuli? Pero si Ressa kailangang maaresto ng ganung oras, dahil sa libelo? Kung may kaso na ngang nakasampa kay Ressa, bakit hindi silbihan ng warrant nang maayos? Dahil kritiko ng administrasyon kaya ganyan?

Itinatanggi ng Palasyo na may kinalaman si President Duterte sa pag-aresto kay Ressa. Wala rin daw kaugnayan sa pangulo ang nagsampa ng reklamong libel. Pero marami ang hindi naniniwala. Ang pinaniniwalaan, at pinangangambahan ay bumalik na ang bansa sa mga madidilim na panahon ng martial law, kung saan walang mamamahayag o pahayagan ang pinayagang maging kritiko ng diktador na si Marcos. Hinuli sila o kinulong. Magtataka ba tayo kung iniidolo nga ni Duterte si Marcos?

LENI ROBREDO MARIA RESSA
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with