Hindi pa masunod
K KA LANG? - Korina Sanchez (Pilipino Star Ngayon) - February 12, 2019 - 12:00am

KITANG-KITA sa CCTV ang banggaan ng pampublikong bus at jeepney sa kanto ng EDSA-Timog Ave. Tumagilid ang jeepney, at nakitang naglalabasan ang mga pasahero nito. Parang wala namang nangyari sa bus. Ayon sa drayber ng jeepney, inabutan siya ng dilaw na ilaw. Ayon naman sa drayber ng bus, berde na raw kaya umandar na siya. Sa mga pahayag na iyan, alam mo na kung sino ang mali. Para sa mga may alam kung ano ang itsura ng kanto ng EDSA at Timog Ave., mahaba ang babaybayan para makarating sa Timog o sa East Ave. Kaya kung inabutan ng dilaw na ilaw, malamang ay hindi ka aabot sa kabila dahil aandar na ang mga sasakyan sa EDSA.

Ito ang dahilan kaya may mga counter na ang mga inter­section, tulad ng ibang bansa. Una akong nakakita ng counters sa Singapore, at ang sabi ko nga ay sana gawin narin dito sa bansa. Para hindi na nga magpumilit tumawid kung ilang segundo na lang ang naiiwan bago maging pula ang ilaw. Pero sa totoo lang, ang mga pampasaherong sasakyan, kasama na rin ang mga motorsiklo ang madalas nagpupumilit pang makatawid kahit malapit nang pumula ang ilaw. Ito ang madalas kong sinasabi na marami ang hindi karapat-dapat na nagmamaneho, dahil ang mga simpleng patakaran na ito ay hindi pa masunod. Mabuti sana kung ang mga drayber lang ang masasaktan, kaso hindi, tulad ng mga pasahero ng jeepney na nakasakay at wala namang kontrol sa sasakyan. Mabuti na lang at walang namatay sa aksidente.

Dahil dito, dapat maging strikto ang MMDA sa mga sa­­sakyang nagpupumilit pang makatawid, lalo na sa mga malalapad na intersection. Dapat laging listo pa rin kahit­ berde na ang ilaw, dahil may mga nagpupumilit nga. Dapat laging may mga traffic enforcers diyan. Puwede naman nilang payagan ang mga sasakyang inabot ng paghinto sa mga malalapad na intersection na maghintay pansamantala, basta’t hindi sagabal sa trapik. Kapag nahuling tumatawid pa rin kahit tapos na ang bilang, hulihin kaagad at suspindihin ang lisensya ng ilang linggo o buwan pa nga. Responsable ang drayber ng mga pampasaherong sasakyan sa kaligtasan ng mga pasahero nito, kaya hindi dapat barumbado sa kalsada. 

BUS JEEPNEY
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with