EDITORYAL - Pawiin ang takot sa bakuna
(Pilipino Star Ngayon) - January 23, 2019 - 12:03am

SINABI mismo ng Department of Health (DOH) na tumaas ang bilang ng mga nagkakatrangkaso o influenza. Mula pa umano Disyembre ng nakaraang taon, ay marami nang naiulat na nagkatrangkaso at na-admit sa mga ospital. Karamihan sa mga nagkatrangkaso ay mga may-edad na. Mayroon ding mga sanggol na tinamaan ng trangkaso, Kaya naman laging nagpapaalala ang DOH sa publiko na magpabakuna. Mahalaga ang pagpapabakuna para makaiwas sa pagkakasakit. Ngayong papalit-palit ang temperatura --- iinit at lalamig, marami ang nagkakasakit kaya mahalaga ang magpabakuna lalo na ang laban sa pulmonya at influenza. Dalawang klase ang influenza – A at B. Dalawang shot ng bakuna ang kailangan sa mga ito para mapigilan ang pagkalat.

Subalit sa kabila nang paalala at mga panawagan ng DOH na magpabakuna ang mamamayan, ma­rami pa rin ang hindi sumusunod at napapahinuhod. Dalawang bagay ang nakikita ng DOH kaya walang gaanong response ang mamamayan ukol sa bakuna. Una, dahil sa pagkakaroon ng shortage sa bakuna noong nakaraang taon at ikalawa, dahil sa takot na idinulot ng Dengvaxia controversy.

Dahil sa napabalitang may mga namatay na bata dahil nabakunahan ng Dengvaxia, umiiwas na ang mga tao at baka sila rin ay mabiktima. Naghatid ng takot ang Dengvaxia sapagkat marami umano sa mga bata ang basta na lamang binakunahan na hindi muna inalam kung ang mga ito ay nagka-dengue na. Base sa Sanofi Pasteur na gumawa ng Dengvaxia, epek­tibo lamang ang bakuna sa mga nagka-dengue na.

Base sa report, umaabot sa mahigit 700,000 mga bata na edad siyam na taon pataas  na nagmula sa public schools ang nabakunahan at karamihan ay nasa Metro Manila, Calabarzon, at Central Luzon. Nagulat na lamang ang mga magulang ng mga bata nang malamang binakunahan ang kanilang mga anak.

Dahil sa takot sa bakuna, marami ring bata ang nagkaroon ng tigdas noong nakaraang taon. Kahit pa nananawagan ang DOH na pabakunahan ang mga bata sa tigdas, marami ang tumutol.

Mahalaga ang bakuna para makaiwas sa sakit. Kung hindi magpapabakuna, nasa panganib ang lahat. Sundin ang payo ng DOH na magpabakuna para makaiwas sa sakit. Pawiin na ang takot na idinulot ng Dengvaxia.

DEPARTMENT OF HEALTH INFLUENZA
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with