Bading daw kasi
IKAW AT ANG BATAS - Jose C. Sison (Pilipino Star Ngayon) - January 20, 2019 - 12:00am

ITO ay kaso tungkol sa pagpapawalambisa ng kasal dahil sa psychological incapacity ng isa sa mag-asawa. Diumano, sa umpisa pa lang ay wala na talagang kakayahan ang isa sa kanila na gawin ang obligasyon niya bilang asawa alinsunod sa batas (Art. 36 Family Code). Ano nga ba ang psychological incapacity? Ang isang lalaki kaya na nagkaroon ng mga anak sa kanyang asawa ay maituturing na may psychological incapacity? Ang bakla ba ay maituturing na may psychological incapacity? Ito ba ay sapat na basehan para mapawalambisa ang kasal? Ang mga tanong na ito ang sasagutin sa kaso ngayon.

Ito ang kaso nina Leo at Alma na nagkakilala nang pareho pa lang silang estudyante sa medical school. Ayon kay Alma, maalalahanin si Leo at nagkakasundo silang mabuti pati ng ibang tao. Naging magsiyota sila at pagkatapos ng tatlong taon ay nagpakasal. Noong panahon na iyon ay pareho na silang doktor, si Leo ay isang anesthesiologist at isang pediatrician naman si Alma. Sa anim na taon nilang pagsasama ay nagkaroon sila ng tatlong anak, sina Lina, Leonie at Larry.

Sa mata ng publiko ay isang ulirang asawa at ama si Leo pero kabaliktaran sa kanyang pribadong buhay. Ang kunwaring mabait at magalang niyang pag-uugali ay nawawala pagdating sa bahay. Marahas,  istrikto, metikoloso at mainitin ang ulo ni Leo. Samantalang sa kanyang nanay ay malambing at maalalahanin siya. Lagi rin siyang nakatakbo sa ina para tulungan siya sa kanyang mga desisyon. Ang isa pang nakadagdag sa pasanin ni Alma ay ang pagtatago ni Leo sa tunay na kasarian.  Unang naghinala si Alma sa pagiging bakla ng lalaki nang makita kung gaano kalapit si Leo sa mga kabarkadang lalaki. Nahuli rin niya na malambing na nakikipag-usap ang asawa sa telepono sa isang kabaro. Lalong nakumpirma ang kanyang hinala nang makitang hinalikan ni Leo sa labi ang isang kapwa doktor na si Dr. Morales. Nang komprontahin ni Alma si Leo ay todo tanggi ang asawa. Ang ginawa ni Alma ay kinuha ang mga anak at umalis sa kanilang bahay. Bilang ganti, itinigil ni Leo ang pagbibigay ng suporta sa kanyang mag-iina.

Kaya pagkatapos ng 11 taon ng pagsasama ay nagsampa ng petisyon si Alma sa korte para mapawalambisa ang kanilang kasal dahil sa psychological incapacity nito o sa kawalan ng kakayahan na gawin ang obligasyon niya bilang asawa. Bilang suporta sa petisyon, sinalaysay ni Alma ang kanyang mga karanasan bilang asawa nito. Isang clinical psychologist din ang tumestigo para patunayan ang sinasabi ni Alma. Sangkatutak na eksaminasyon daw ang ginawa nito bukod pa sa pakikipag-usap kay Alma at sa panganay na anak nito na si Lina.

Ayon naman kay Leo, nag-uugat ang galit ni Alma sa kompetisyon sa negosyo ng kani-kanilang pamilya. Ang pagtanggi raw niya na sundin ang memo ng ospital nila Alma na palakihin ang lying-in clinic niya na parehong nakatirik sa iisang subdivision ang totoong pinag-umpisahan ng lahat. Ayon kay Leo, hindi rin totoo na malupit siyang ama pero talagang kailangan daw niyang alagaan ang kanyang nanay na matanda na. Si Alma raw ang totoong masyadong selosa kaya nga napipilitan siya na umiwas sa mga kaibigan na babae. Inimbento rin lang daw ni Alma ang lahat ng sinasabi tungkol sa kanyang pagiging bakla at sa pagtatago ng mga malalaswang materyales. Ang tumestigo naman kay Leo ay ang sariling kapatid na si Gary.

Pero pinagbigyan ng korte ang petisyon ni Alma at pinawalambisa ang kanilang kasal. Ang karapatan ni Leo sa kanyang mga ari-arian ay ipinasa sa kanyang mga anak. Inutos din ng korte na magbigay ng buwanang sustento si Leo. Pero ang basehan ng korte ay hindi psychological incapacity sa ilalim ng Art. 36 ng Family Code kundi base sa panloloko o kawalan ng kusang pagpayag alinsunod sa Art. 45(3), o Art. 55(6) ng Family Code. Wala raw sapat na ebidensiyang magpapatunay na bakla si Leo. Tama ba ang korte?

Mali ayon sa Supreme Court. Sa kaso kasing ito ay hindi napatunayan ng inihaing ebidensiya na talagang bakla si Leo noong umpisa pa lang ng kanilang kasal at itinago niya ito kay Alma. Isa pa, halimbawa man na bakla si Leo ay hindi ito sapat para ipawalambisa ang kanilang kasal. Ayon sa batas, mapapawalambisa lang ang kasal nila kung sadyang itinago ni Leo ang kasarian at niloko ang pakakasalan. Ang pagtatago nito sa pakakasalan at hindi ang mismong pagiging bakla ang basehan ng tinatawag na “vitiated consent”. Ibig sabihin kasi ay may bad faith at layunin na manloko ang kabilang panig.

Ang pagpayag o consent ay isang mahalagang kondisyon ng kasal. Dapat ay malaya at kusang loob itong ibigay ng magkabilang panig. Kailangan din na magsumite ng ebidensiya para patunayan na dinaya ang isa para lang mapapayag sa kasal. May esklusibong listahan sa Family Code sa mga sirkumstansiyang itinuturing na panloloko o fraud. At hindi kasama rito ang pagiging bakla kundi ang pagtatago nito. Nagkamali ang korte sa pagpapawalambisa sa kasal dahil lang dineklarang bakla si Leo at mas malala ay mula pa ito sa umpisa. Kaya binaliktad ang desisyon at ibinasura ang petisyon ni Alma para mapawalambisa ang kanilang kasal (Almelor vs. RTC Las Pinas and Almelor, G.R. 179620, August 26, 2008).

JOSE C. SISON
Philstar
  • Latest
Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with