High blood  pressure
High blood pressure
DOC WILLIE - Dr. Willie T. Ong (Pilipino Star Ngayon) - January 17, 2019 - 12:00am

TINATAYANG 15 milyong Pilipino ang may high blood pressure o altapresyon. Halos 25% ng taong lampas edad 18 ay may high blood. Kapag umabot na ng edad 60, halos 50% na ang may high blood.

Ano ang ibig sabihin ng high blood?

Kapag ang blood pressure n’yo ay lampas sa 140 over 90, marahil ay may high blood ka na. Ngunit kapag ika’y pagod, nagalit o nag-e-ehersisyo, tataas din ang iyong presyon pero hindi ibig sabihin ay high blood ka na. Dapat ang pagkuha ng blood pressure ay kung ika’y nakapahinga at walang ginagawa.

Ang normal na blood pressure ay mas mababa sa 140 over 90. Ang pinakamainam na blood pressure ay mga 120 over 80. Kung mas mababa pa dito ay okay rin. Pero siyempre, ayaw nating sobrang baba ang iyong presyon (mas mababa pa sa 90 over 60) dahil baka senyales din ito ng mahinang puso.

Ano ang sanhi ng high blood?

Dalawa ang pinanggagalingan ng high blood. Una, namana mo ito sa iyong magulang. Pangalawa, nakuha mo ito sa maling pamumuhay tulad ng paninigarilyo, pagiging lampas sa timbang, pagkain ng sobrang alat at matataba at kulang sa ehersisyo.

Mayroon pang ibang mga factors na puwedeng magpataas ng iyong presyon tulad ng pagpupuyat, kulang sa tulog, laging nagagalit, sobrang init ng panahon, at sakit sa bato.

Ano ang sintomas ng high blood?

Ang tamang sagot dito ay “wala!” Kadalasan ay walang nararamdaman ang isang taong may high blood. Kaya nga tinatawag na “silent killer” ang high blood pressure dahil nanganganib na pala ang buhay ng pasyente pero wala pa siyang nararamdaman. Nakakatakot ‘di ba?

Pero may ilang tao ang nakararanas ng sintomas, tulad ng pananakit ng batok, mabigat ang ulo at pagkahilo. Masasabi nating mapalad ang taong may sintomas dahil mas maaga silang nakapagpapa-check up sa doktor.

Maraming komplikasyon ang high blood katulad ng stroke (pagdugo sa utak ng tao), pagkabulag, sakit sa bato at atake sa puso. Magpatingin kaagad sa doktor kapag ang presyon niyo ay lampas 140 over 90 para mabigyan kayo ng lunas. Kung hindi n’yo alam ang iyong presyon, magpakuha na rin kayo sa klinic o health center.

Kapag ang blood pressure n’yo ay palaging lampas sa 140 over 90, ang ibig sabihin ay may high blood ka na. Ang normal na blood pressure ay mas mababa sa 140 over 90. Ang pinakamainam na blood pressure ay mga 120 over 80.

Mayroong 2 klaseng gamutan sa high blood: (1) ang pagbabago sa pamumuhay o lifestyle changes at (2) ang pag-inom ng gamot. Kung ang blood pressure n’yo ay bahagyang lumampas pa lamang sa 140 over 90 at wala naman kayong nararamdaman, baka makuha pa natin ito sa pamamagitan ng pagbabago sa pamumuhay.

Ngunit kapag lampas sa 160 over 100 ang iyong presyon o may sintomas na kayong nararamdaman, kailangan n’yo nang uminom ng gamot sa high blood.

Natural na paraan:

1. Magbawas ng timbang. Kapag kayo ay lampas sa timbang, mas tataas ang iyong blood pressure. Kung maibababa niyo ang iyong timbang ng 10 pounds, ay bababa din ang iyong blood pressure ng 10 points.

2. Magbawas sa pagkain ng maaalat. Umiwas o magbawas sa paggamit ng asin, toyo, patis at bagoong. Bawasan din ang pagkain ng noodles, daing, tuyo at sitsirya. Kapag ginawa niyo ito, siguradong bababa ang iyong blood pressure.

3. Mag-ehersisyo ng 3 hanggang 5 beses bawat linggo. Gawin ito ng 30 minutos hanggang 1 oras. Piliin ang ehersisyo na angkop sa iyong edad. Puwede ang jogging sa mga bata at paglalakad o taichi sa mga may edad.

4. Matulog ng 7 hanggang 8 oras. Magpahinga at mag-deep breathing kapag ika’y napapagod.

5. Magbawas ng trabaho. Ang sobrang daming ginagawa ay puwedeng magdulot ng high blood. Gawin lang ang sapat na trabaho sa isang araw.

6. Huwag palaging magagalit. Posibleng tumaas ng 50 points ang iyong blood pressure kapag ika’y galit nagalit.

7. Labanan ang init na panahon. Ang mainit na klima ay may epekto din sa may high blood. Uminon ng sapat na tubig sa isang araw. Umiwas sa araw at magpalamig.

8. Mahalagang paalala: Hindi gamot sa high blood ang pagkain ng bawang o pineapple juice. Masustansya ang mga ito pero hindi ito sapat para bumaba ang iyong presyon.

Mabisang gamot sa high blood:

Kapag mataas talaga ang iyong presyon, kailangan mo nang uminom ng maintenance na gamot.

Ang isa sa pinakamabisang gamot sa high blood ay ang Amlodipine 5 mg tablets na mabibili sa mga generics na botika. Nagkakahalaga lamang ito ng P5 bawat tableta. Ang pag-inom nito ay puwedeng kalahating tableta o 1 tableta lang bawat araw. Mura na, mabisa pa.

Ngunit magpatingin muna sa iyong doktor bago uminom ng kahit anong gamot. Ang iyong doktor lamang ang makapagsasabi kung ano ang babagay sa iyo.

Sa mga may high blood, huwag pong matigas ang ulo. Inumin ang maintenance na gamot. Siguradong gaganda ang iyong pakiramdam at hahaba ang buhay.

Good luck po!

HIGH BLOOD PRESSURE
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with